ANG matayog na pangarap ay mananatiling pangarap lamang kapag hindi humakbang patungo sa unang baitang upang marating at tuluyang maabot ito.

Nasisiguro kong ito rin ang naging pamantayan sa buhay ng kalugar at kababata ko sa kalye Moriones sa Tondo, Manila na si Ross Capili, isa na sa mga masasabi kong iginagalang na pintor ng aming henerasyong Baby Boomers, na ngayon ay nasa tugatog na ng tagumpay sa sining ng pagpipinta.

Si Ross ay isang “Ani ng Dangal Presidential Awardee for Visual Art” - parangal na iginagawad ng National Commission for Culture and the Arts (NCCA) sa mga “Filipino artists who garnered international awards and prizes” -- kinikilala ‘di lamang dito sa Pilipinas, bagkus sa iba’t ibang panig man ng mundo, gaya ng Amerika, Europa at Gitnang Silangan.

Naisip kong isulat at bigyan ng papuri si Ross matapos na ‘di sinasadyang mapanood ko ang live na pagpipinta niya sa Solaire Resorts nito lamang Hunyo 12 - nagkataong Independence Day ng araw na ‘yon at may ka meeting ako sa nasabing lugar -- na dinaluhan at sinaksihan ng mga piling bisita ng naturang hotel.

Simula noong Dekada 90, nang lumipat ako ng tirahan sa Quezon City ay ‘di ko na nasubaybayan ang kalugar kong ito na namamayagpag na pala sa sining ng pagpipinta. Nakita ko ang “humble beginnings” niya bilang isang batang artist na punung-puno ng “enthusiasm” sa kanyang ginagawa, at noon pa man naniniwala akong malayo ang mararating niya sa larangang ito – at ‘di naman ako nagkamali!

Kaibigan ng Papa ko si Kuya Nanding (Mang Levis sa kanilang lugar mula sa pangalan ng kaniyang tailoring shop) – isang magaling na sastre at “jack of all things” na mekaniko – madalas akong magpunta sa kanilang maliit na tailoring shop sa Kalye Moriones, at doon ko nakita si Ross na nagpipinta ng mga unang obra, na ginamitan niya ng pinagtabasang mga retasong maong at tela.

Hinding-hindi ko makalilimutan ang senaryong ito: Habang hinihintay ko si Kuya Nanding, ay abala naman si Ross sa may bangketa, sa harapan ng tailoring shop, sa pagka-“carwash” ng pampasadang jeepney ng kapitbahay. Harimunan ito ni Ross tuwing hapon, pagkagaling niya sa eskuwelahan. Sa loob ng tailoring shop, nakasabit sa dingding ang isang malaking painting na tinatanghuran ng isang pusa. Walang kakurap-kurap si Muning, marahil tinatantiya nito kung pwede niyang lundagin at lantakan ang nakatatakam na daing na bangus sa painting na ito ni Ross. Ako rin nga, naglaway sa naturang drawing, na ang kulang na lang marahil ay ang malansang amoy ng pinatuyong isda, na mas magpapatakam pa rito habang tinitingnan.

Nang minsang magpanagpo kami ni Kuya Nanding ay agad kong kinumusta ko si Ross, at buong pagmamalaki naman nitong ikinuwento ang mga nakuhang awards ng anak sa pagpipinta, at ang pagiging art director nito nang panahong iyon sa Philippine Airlines (PAL).

Sa buong panahon ko nang pagiging reporter ay madalas kong nababasa ang mga balita hinggil sa matagumpay na mga “one man art exhibit” ni Ross, ngunit ni minsan ay ‘di ako man lang ako nagkaroon ng pagkakataong makapunta, hanggang sa magretiro ako noong 2014 at makadalo sa kanyang art exhibit sa Ayala Museum sa Makati.

Dito ko napagtanto na malayo na talaga ang narating ng Tondo Boy na ito – 30 one-man art exhibitions, 35 group exhibitions locally and internationally, 55 awards at siyempre, ang pagkakaroon ng halaga ng kanyang mga obra -- na nagsimulang mangarap at lumaban sa hirap ng buhay upang makamit at marating ang rurok ng tagumpay!

Mag-text at tumawag sa Globe: 09369953459 o mag-email sa: [email protected]

-Dave M. Veridiano, E.E.