Itutuloy pa rin ng Philippine National Police (PNP) ang pagdampot sa mga tambay hanggat wala pang inilalabas na kautusan ang hukuman.
Ito ang ipinagdiinan ni PNP chief, Director General Oscar Albayalde sa harap ng mga mamamahayag sa isang press conference sa Camp Crame, kahapon.
Ayon kay Albayalde, tanging ang korte ang magkapagsasabi kung labag sa konstitusyon ang police operations laban sa mga tambay sa Metro Manila.
Aniya, hindi naaabuso ang karapatang-pantao ng mga tambay at sa halip ay itinataguyod nila ang karapatan ng mga ito na mamuhay nang matiwasay.
Sabi pa ni Albayalde, tungkulin ng pulisya na dakpin ang mga lumalabag sa batas para sa kaligtasan ng buong komunidad.
Ang mga inaaresto, aniya, nilang tambay ay lumabag sa ordinansang ipinatutupad ng mga local government unit (LGU).
Sa datos ng National Capital Regional Police Office (NCRPO), aabot na sa 7,291 ang naarestong tambay sa Metro Manila mula Hunyo 13 hanggang kahapon, Huwebes
-FER TABOY