Inatasan ng Korte Suprema ang Judicial and Bar Council (JBC) na simulan na ang pagsusuri sa mga aplikasyon para punong mahistrado ng Korte Suprema.
Sa ilalim ng Saligang Batas, may 90 araw si Pangulong Duterte para maghirang ng bagong punong mahistrado magmula nang mabakante ang puwesto.
Idineklara ng Korte Suprema na ang simula ng 90 araw ay noong Hunyo 19, ang petsa ng promulgation ng resolusyon na nagbabasura sa apela ng napatalsik na dating Chief Justice Maria Lourdes Sereno.
Ang JBC ang sumasala sa lahat ng mga aplikante sa posisyon sa hudikatura at nagsusumite ng shortlist sa Pangulo.
Sa sandaling makakuha na ng mga aplikasyon, sasailalim ang mga aplikante at nominado sa public interview ng JBC.
Nasa Pangulo ang desisyon kung sino ang hihirangin niya sa puwesto.
Samantala, binuhay ng Korte Suprema ang voting powers nito sa bawat bakanteng posisyon sa hukuman.
Natigil ang Korte Suprema sa pagganap sa kapangyarihang ito nang maupo si Sereno bilang punong mahistrado at ex-officio chairperson ng JBC.
Sa ilalim ng nasabing voting powers, pagbobotohan ng mga mahistrado ng Korte Suprema kung sino ang irerekomendang aplikante para sa bakanteng posisyon sa Mataas na Hukuman.
Ang resulta ng botohan ay bibigyan ng konsiderasyon ng JBC at karaniwan ding binibitbit ng punong mahistrado sa botohan ng kung sino ang dapat maisama sa naturang listahan.
Kaugnay ng mababakanteng puwesto sa Korte Suprema dahil sa pagreretiro ni Associate Justice Presbitero Velasco sa Agosto, apat na pangalan ang inirekomenda ng Korte Suprema.
Si Court of Appeals Justice Rosmari Carandang ay may sampung boto; Court Administrator Jose Midas Marquez ay may walong boto; habang sina Court of Appeals Justices Jose Reyes at Ramon Garcia ay may tig-anim na boto.
-Beth Camia