Nilagdaan na ni Pangulong Rodrigo Duterte ang Mental Health Law bilang isang ganap na batas. Sa ilalim ng Republic Act No. 11036 o Mental Health Law, mapagkakalooban ng mas abot-kaya at mas mabilis na serbisyo ang mga Pinoy na nakararanas ng problema sa pag-iisip.

Pinasalamatan ni Senador Risa Hontiveros, author at principal sponsor ng Mental Health Law, ang Pangulo. Katuwang din sa pagbabalangkas ng batas sina Senate President Vicente Sotto III, Sens. Loren Legarda, Antonio Trillanes IV, Paolo Begino Aquino IV, Sonny Angara at Joel Villanueva.

“The Mental Health Law cements the government’s commitment to a more holistic approach to healthcare: without sound mental health there can be no genuine physical health. No longer shall Filipinos suffer silently in the dark. The people’s mental health issues will now cease to be seen as an invisible sickness spoken only in whispers. Finally, help is here,” ani Hontiveros.

Ayon kay Hontiveros, poprotektahan ng batas ang karapatan ng mga taong may mental health needs at mental health professionals.

Eleksyon

Archdiocese of Manila, hindi mag-eendorso ng kandidato sa eleksyon

Ibababa rin hanggang sa barangay level ang mga serbisyo para sa mga na dumaranas nito at magkakaroon ng mental health education sa mga paaralan at kumpanya.

Batay sa datos ng Department of Health (DoH) na mula 2016 ay umaabot na sa 2,413 ang kaso ng suicide sa bansa.

Sinabi ni Catholic Bishops’ Conference of the Philippines-Episcopal Commission on Health Care (CBCP-ECHC) Executive Secretary Father Dan Cancino, na hindi dapat ipagwawalang-bahala ang naturang problema, at kailangang agapan.

“Yung mga tao na gustong magpakamatay, hindi naman talaga nila gustong mamatay. Ito lang ang naiisip nilang paraan para mawala ang sakit na kanilang nararamdaman,” ani Cancino, sa panayam Radio Veritas.

Himok niya ang mga nakararanas ng depresyon at iba pang mental health problem na maging bukas sa pakikipag-usap sa kanilang pamilya, kaibigan at manalig sa Diyos.

Iginiit ng pari na sa pamamagitan ng pananampalataya ay nabibigyan agad ang bawat isa ng walang hanggang pag-asa.

-BETH CAMIA, LEONEL M. ABASOLA at MARY ANN SANTIAGO