ONE season lang dapat ang weekly drama anthology na Tadhana, na dedicated sa mga overseas Filipino worker (OFW), at ang kanilang mga paghihirap at tagumpay sa iba’t ibang bansa sa mundo, malayo sa kani-kanilang pamilya at mga mahal sa buhay. Si Kapuso Primetime Queen Marian Rivera ang host nito.
“Pero, nagustuhan po ng mga sumusubaybay sa amin, lalo na ang mga pamilyang may mga kaanak silang nasa ibang bansa, kaya po naging second season, third season, fourth season, at ngayon po ay naka-one year na kami, salamat sa inyong lahat,” sabi ni Marian sa media conference. “Kaya po pumayag ako sa request ng mga televiewers na gampanan ko naman ang special anniversary presentation natin.
“Actually po, para sa aming dalawa ni Dong (Dingdong Dantes) ang offer nila, nang sabihin ko sa kanya, sabi niya, ‘ganito na lang, ikaw ang artista ako na lamang ang magdidirek sa iyo.’ Siyempre ay natuwa ako dahil iyon naman ang gusto ko. Sabi ko sa GMA, gusto ko na si Dong ang magdirek, first directorial job niya ako. Kaya po itong special episode na ito ay handog namin sa inyong lahat, sa mga OFWs, sa inyo rin sa press, bilang pasasalamat namin sa inyo.
“Hindi po lamang namin puwedeng sabihin kung sino ang ipinu-portray ko rito, secret po ang identity nila. Pero ako rito si Jackie, isang inang iniwan ang mga anak niya at may sakit na asawa para magtrabaho sa Bahrain at nasa isip ay ang mabago ang buhay ng kanyang pamilya. Pero hindi niya akalain na daranas siya ng malaking hirap doon, sa dalawang taon ng paghihirap niya doon, physical abuse, hindi siya hinayaang makalabas ng bahay, walang cell phone para makausap man lamang ang pamilya, at ang panloloko ng pinagkatiwalaan niyang magpadala ng pera niya sa Pilipinas.
“Siguro na-miss ko ang pag-iyak sa mga teleserye, dito dalawang eksena lang yata na hindi ako umiyak,” kuwento pa ni Marian. “Sana po ay magustuhan ninyo ang story na aming napili.”
Nakasama ni Marian sa anniversary episode sina Jackielou Blanco, Emilio Garcia at Lotlot de Leon. Huwag i-miss ang special participation ni Direk Dingdong, at mapapanood sa Sabado, June 23, pagkatapos ng Contessa sa GMA 7.
-Nora V. Calderon