Bukas si Pangulong Duterte na makipag-usap sa pinuno ng mga komunistang grupo na si Jose Ma. Sison, ngunit kailangan munang umuwi ni Sison sa Pilipinas.

Sa isang talumpati sa Iloilo City nitong Miyerkules ng gabi, sinabi ni Duterte na handa siyang ipasa ang pagpapatakbo ng gobyerno kay Sison.

“I don’t know if Sison is coming home. But what I can tell him now is that if you are trying to destroy a government and you want to take over, why don’t you come here and talk about it. Maybe I’ll agree with you. I’ll give the government to you,” ani Duterte.

Dagdag ng Pangulo: “But sabi ko umuwi ka muna dito and I promise you security and safety as a personal and official commitment.”

Matapos maligwak ang request: Paolo Duterte, pumayag manatili si VP Sara sa kaniyang opisina

Nauna nang inurong ng Pangulo ang negosasyon sa Communist Party of the Philippines-New People’s Army-National Democratic Front (CPP-NPA-NDF) ng tatlong buwan, upang marebisa ang mga naaprubahang kasunduan ng magkabilang panig.

Kapag walang nangyari sa peace talks, tiniyak ni Duterte makaaalis nang matiwasay si Sison.

“If nothing happens to the talks…then please do not ever, ever come back to this country again,” aniya.

Ayon kay Philippine National Police (PNP) chief Oscar Albayalde, nakahanda ang pulisya na bigyan si Sison ng protective security habang nasa Pilipinas.

Bagamat may mga kasong kinakaharap si Sison, hindi siya maaaring arestuhin dahil sa safe conduct pass na ibibigay sa kanya.

Nakatakda sanang umuwi si Sison para makilahok sa peace talks sa Agosto.

Agad inakusahan ng mga grupong komunista ang military na “peace spoiler”, dahil sa umano’y rekomendasyon nito na kanselahin ang negosasyon.

Ngunit ayon kay Defense Secretary Delfin Lorenzana, kailangan muna repasuhin ang mga probisyon sa ilalim ng pinirmahang “Stand-down Agreement” ng mga peace panel bago ito ipatupad.

Para naman kay Senador Panfilo Lacson, sa Pilipinas dapat gawin ang anumang usaping pangkapayapaan pagitan ng mga komunista at ibang rebeldeng grupo.

Aniya, mas makakatipid kung sa bansa gagawin ito at mas komportable din ito sa magkabilang panig.

Ayon kay government negotiator Hernani Braganza, tatlong buwan ang gagawing pagrebisa sa nilagdaang kasunduan.

Aniya, ipinaalam nila ang suspensiyon ng backchannel talks sa pagpupulong, na dinaluhan ng mga lider ng NDF sa pamumuno ni chief negotiator Fidel Agcaoili, sa Utrecht sa Netherlands.

Nagtungo ang negotiating team ng Pilipinas sa Utrecht, upang pormal na iparating sa NDF ang desisyon ni Pangulong Duterte na i-reschedule ang muling pagbubukas ng peace negotiations.

-Genalyn D. Kabiling, Leonel Abasola, Fer Taboy, at Beth Camia