NAKIKIPAGTULUNGAN ang Department of Agriculture’s Bureau of Fisheries at Aquatic Resources (DA-BFAR) sa tanggapan ni Senador Cynthia Villar sa pagbuo sa serye ng inter-agency Manila Bay coastal clean-up na sasakop sa mga bahagi ng National Capital Region at iba pang kalapit-bayan sa Central Luzon at Calabarzon para sa susunod na mga buwan.
Sa temang “Manila Bay: Gawing MMK (Malinis at Masaganang Karagatan),” umaasa ang DA-BFAR na maiparating sa publiko ang kaalaman at pakikiisa para sa rehabilitasyon na isinusulong sa Manila Bay at maglaon ay maibalik ang look sa isang malinis at maayos na anyong-tubig na maaaring pagkunan ng mga lamang-dagat at napoprotektahan.
Katuwang din ng DA-BFAR ang iba pang ahensiya ng pamahalaan kabilang ang Department of Environment and Natural Resources, Department of Interior and Local Government, Philippine National Police at Philippine Coast Guard at iba pang organisasyon upang isaayos, panatilihin at masagip ang Manila Bay kaugnay ng Supreme Court’s Writ of Continuing Mandamus.
“Our effort to restore Manila Bay is aligned with the Department of Agriculture’s main thrust under the leadership of Secretary Emmanuel Piñol. DA-BFAR seeks to ensure food sufficiency and improve the livelihood of the fisherfolk through the implementation of various coastal resource management programs like the Malinis at Masaganang Karagatan in the country’s major fishing grounds including Manila Bay,” pahayag ni DA Undersecretary for Fisheries at BFAR national director Eduardo Gongona.
Isasagawa ang unang bahagi ng coastal cleanup sa Kawit, Cavite at magpapatuloy sa iba’t ibang lugar na sumasakop sa Manila Bay hanggang Oktubre ngayong taon.
Sasamahan ang mga nakatalagang ahensiya ng mga lokal na pamahalaan, pribadong sektor at mga kabataan na nagboluntaryo para sa paglilinis.
Bukod sa coastal cleanup, magtatanim din ang mga kalahok ng mga bakawan sa 200 metrong mangrove area sa Cavite.
Kabilang sa mga inaasahang dadalo sa proyekto sina Agriculture Secretary Emmanuel Piñol, Agriculture Undersecretary for Operations Ariel Cayanan at ang district representatives and local government chiefs ng Cavite.
-BFAR PR/PNA