KUNG mapapabilang sa delegasyon na sasabak sa Asian Games, sinabi ni volleyball national team member Abigail Marano na magagamit nila ang karanasan upang mas maging matatag na players.
“We are challenged playing for PSL and the National team,” pahayag ni Marano. “Pero para po sa amin, isang hakbang po ito para maiangat ang larong volleyball sa Pilipinas. So sana po intindihin po ninyo kami at bigyan ng suporta kasi ang gagawin po namin is hindi lang po para sa mga sarili namin kundi narin para sa bayan,’ ani Marano sa kanyang pagdalo sa isang press conference para sa pagbubukas ng PSL ngayong darating na Sabado sa Smart Araneta Coliseum.
Nakatakda ang Asian Games sa Agosto 19 hanggang Setyembre 2 sa Palembang, Indonesia, ngunit wala pang katiyakan kung mapapabilang ang women’ volleyball sa delegasyon.
Nauna nang naipahayag ni Team Philippines chief of mission Richard Gomez ang pagnanais na maisama ang women’s volleyball sa Asiad, ngunit wala pang pormal na desisyon hingil sa kumpletong listahan ng mga sports para sa Philippine delegation.
Ngunit, kung pagbabasehan ang naunang ‘criteria’ na inilatag ni Julian Camacho – pinalitan ni Gomez matapos ang POC election – hindi kwalipikado ang women’s volleyball sa ‘gold or silver medal’ criteria.
“Base on criteria. I think hindi naman ito nabago ng Chef de Mission, women’s volleyball is not qualified. During the SEA Games, nakita naman natin ang resulta.
“Asian Games is a big stage. Ang lalakas nang mga kalaban dito, China, Korea at Japan, to name a few. Besides, kailan lang nabuo ang team, sa loob ba ng isang buwan ensayo sa tingin natin handa tayong lumaban,” pahayag ni PSC Commissioner Ramon Fernandez.
Kamakailan lamang nabuo ng Larong Volleyball ng Pilipinas, Inc. ang koponan matapos ang ilang serye ng tryouts. Sasabak sila sa Philippine Super Liga (PSL) na magbubukas sa Sabado bilang paghahanda sa Asian Games, ngunit hindi nila makakasama sina star player Allyssa Valdez at Jian Morado na kasalukuyang naglalaro sa karibal na ligang Philippine Volleyball League (PVL).
Kabilang si Marano sa listahan na isinumite ng LVPI na miyembro ng National team na isasabak para sa Asiad, kung saan kabilang dito sina, Allyssa Valdez, Frances Xinia Molina, Charlene Cruz-Behag, Aleona Denise Santiago-Manabat, Mary Joy Baron, Mika Aereen Reyes, Alyja Daphne Santiago, kim Kianna Dy, Kim fajardo, Julia Melissa Morado at Dawn Nicole Macandili.
-Annie Abad