Hindi pa rin susuko ang ilang miyembro ng Senado kahit pinagtibay na ng Supreme Court (SC) ang desisyon nitong tanggalin sa puwesto si dating chief justice Maria Lourdes Sereno.

Ayon kay Senador Francis Pangilinan, puwedeng magkaroon ng ikalawang mosyon para maiwasto ang desisyon ng Kataas-taasang Hukuman.

“Nalulungkot tayo dahil inagaw sa atin bilang Senado yung exclusive power. At kami ay umaasa pa rin na baka sakali, kung magkaroon pa ng pangalawang motion for reconsideration, hangga’t maaari nating i-exhaust ang all legal means to be able to correct this,” ani Pangilinan.

Nitong Martes, sa botong 8-6 tinanggihan ng SC en banc ang motion for reconsideration ni Sereno na humihiling na baliktarin ang majority decision nito noong Mayo 11 na nagpapatalsik sa kanya sa puwesto.

Empleyadong lasing, patay matapos sapakin ng ginising na katrabaho

Lumagda ang 14 na senador sa panukalang resolusyon na kuwestyunin ang quo warranto petition sa katuwiran na tanging ang Kongreso ang puwedeng magpatanggal sa isang impeachable official tulad ng chief justice.

“That is up to the Supreme Court, in the end. Technically, hindi na dapat magkaroon ng ganitong filing pero the Supreme Court can, if it finds it meritorious, accommodate another motion for reconsideration,” paliwanag ni Pangilinan.

Baka-sakali, aniya, na may paraan pa para maituwid ang naging baluktot na pasya.

“Nakakalungkot ito dahil tayo’y naniniwala hindi nangibabaw dito ang bigat ng argument. Ang nangibabaw ay yung dami ng boto, majority,” dagdag niya.

Pinuri ni Solicitor General Jose Calida ang pagpatibay ng SC sa desisyong patalsikin si Sereno.

“Being the SolGen I’m happy with the result,” saad sa pahayag ni Calida. “To me, this is a triumph of justice.”

Naghain ng quo warranto petition si Calida para ipawalang-bisa ang 2012 appointment ni Sereno bilang chief justice dahil sa kabiguan nitong magsumite ng kanyang Statements of Assets, Liabilities and Net Worth (SALN) na isa sa requirements na itinakda ng Judicial and Bar Council (JBC).

Nitong Martes kaagad na binuksan ng SC ang 90-day period para punan ang bakanteng puwesto ng Office of Chief Justice. Nangangamba ang ilang obispong Katoliko para sa kalayaan ng SC at ng susunod na CJ.

“We fear that the next Chief Justice and the whole Supreme Court have lost their independence as the third equal branch of our democratic government,” wika ni Sorsogon Bishop Arturo Bastes.

Sinabi naman ni Manila Auxiliary Bishop Broderick Pabillo na ipinakita ng desisyon ng SC na hindi ito mapagkakatiwalaan.

“With this decision the SC has not destroyed Sereno but has destroyed itself,” aniya. “This shows that the Supreme Court cannot be trusted. The appointees of this president will just be stooges. The SC has self-destructed.”

-LEONEL M. ABASOLA, JEFFREY G. DAMICOG at LESLIE ANN G. AQUINO