Mga Laro Ngayon

(Ynares Sports Arena)

1:00 n.h. -- Batangas vs Che’Lu Bar and Grill

3:00 n.h. -- Go for Gold vs Marinerong Pilipino

Goodbye PBA? John Amores, tinanggalan na ng professional license!

PATITIBAYIN ng Go for Gold ang kanilang kapit sa pangingibabaw patungo sa pagtatapos ng elimination round upang makamit ang top seeding sa 2018 PBA D League Foundation Cup sa Ynares Sports Arena sa Pasig City.

Nag-iisa na lamang koponan na wala pang talo, pupuntiryahin ng Scratchers ang pang-apat na sunod na panalo sa pagsabak nila sa huling laro ngayong hapon kontra Marinerong Pilipino.

Ganap na 3:00 ng hapon ang salpukan ng Scratchers at Skippers kasunod ng tapatan ng Batangas at Chelu Bar and Grill ganap na 1:00 ng hapon.

Huling tinalo ng Scratchers ang Centro Escolar University Scorpions noong nakaraang Huwebes sa iskor na 92-83 sa pamumuno nina Gab Banal at Vince Tolentino na umiskor ng 21 at 20 puntos, ayon sa pagkakasunod.

Sa kabilang dako, magbubuhat naman ang Skippers sa malaking panalo kontra Batangas noong nakaraang Martes, 106-64 na nagbalik sa kanila sa winning track pagkaraang matalo sa ikalawa nilang laro kontra Revellers.

Umaasa si coach Koy Banal na magpapatuloy ang ipinakitang performance ng kanyang mga players.

“I hope na-send namin yung right message sa team na they have to learn how to play the game the right way. Whoever going up against, whatever the situation is, we want to play the same way,” wika ni Banal

Gaya ng Marinero, hangad din ng Chelu ang ikatlong panalo sa pagharap nila sa Batangas na hangad namang makabawi sa nakaraang 42-puntos na pagkatalo sa Marinero sa pagtutuos nila sa unang laro.

-Marivic Awitan