MANANATILI sa Pilipinas ang Australian nun na si Patricia Fox matapos ipawalang-saysay ng Department of Justice (DoJ) ang utos ng Bureau of Immigration (BI) noong Abril na nagpapawalang-bisa sa kanyang missionary visa at sinabihang lisanin ang bansa sa loob ng 30 araw.
Samakatuwid, maipagpapatuloy ng 71-anyos na madre ang kanyang missionary work sa ‘Pinas. Nagalit si Pangulong Rodrigo Roa Duterte kay Fox dahil sa umano’y pagkondena sa human rights abuses ng administrasyon bukod pa sa bintang na siya’y sumasama sa mga protest rally laban sa gobyerno. Itinanggi ito ng madre.
Nang malaman ni Fox ang desisyon ng DoJ, ay labis siyang nasorpresa subalit masayang-masaya sa pagpapahintulot na maipagpatuloy niya ang pagiging misyonero sa Pilipinas na labis niyang minamahal. Siya ay 27 taon nang naninirahan sa bansa.
Batay sa desisyon ng DoJ na ang puno ay si Secreatry Menardo Guevarra, ang pagkumpiska ng BI sa visa ng madre dahil umano sa paglabag sa terms at conditions na itinatakda rito ay walang basehang legal sapagkat walang anumang kapangyarihan ang BI na kumumpiska ng visa.
Pahayag ng DoJ: “The BI cannot simply create new procedures or new grounds to withdraw a visa already8 granted to a foreigner.” Mukhang mas matino raw ang DoJ ngayon kumpara noong panahon ni ex-Sec. Vitaliano Aguirre II.
Kung si PRRD ang masusunod, nais niyang lumayas ang dambuhalang China sa West Philippine Sea-South China Sea sa mga reef at islaa na okupado nito, subalit ayaw niyang makipaggiyera sa bansa ng kaibigang si Presidente Xi Jinping.
Ang ating Pangulo ay inaakusahan ng mga kritiko at kalaban na malambot at hindi kumikibo sa patuloy na pag-angkin ng China sa WPS-SCS tungkol sa maritime rights ng ating bansa. Ayaw daw niya ng giyera laban sa China dahil dudurugin lang ng kanilang military ang AFP at PNP at imamamasaker lang ang mga Pilipinong kawal at pulis.
Ngunit ayon naman sa mga kritiko at kalaban niya, hindi komo na magpoprotesta ang Pilipinas sa China ay nais nating makipaggiyera sa kanila. Kailangang kumibo tayo. Bakit noong panahon ng Kastila, lumaban ang mga Pilipino? Bakit noong panahon ng mga Kano, lumaban ang mga Pinoy? Matatapang ang ating mga kababayan, hindi duwag bagamat alam nilang wala tayong kalaban-laban sa dragong China.
Subalit dapat nating ipaalam sa mundo na mali ang ginagawa ng China sa mga teritoryo na saklaw ng ‘Pinas.
-Bert de Guzman