Hindi sukat-akalain ng isang overseas Filipino worker (OFW) sa Japan na umuwi sa Pilipinas halos anim na buwan na ang nakararaan, na maibabalik pa sa kanya ang perang nawala niya sa airport na aabot sa P93,000.
Hindi matapos-tapos ang pasasalamat ni Marilyn Vallada, tubong Nueva Ecija, isang entertainer sa Japan, sa mga Airport Police nang maibalik na sa kanya ang kanyang wallet na naglalaman ng 19 pirasong Japanese Yen (tig-10,000) at iba pang Philippine money na nagkakahalaga ng P93,000.
Nobyembre 2017 nang dumating sa bansa si Vallada, at bago siya lumabas ng airport ay dumaan muna siya sa comfort room.
Kuwento niya, nang makauwi na siya sa kanilang probinsiya ay saka lamang niya natuklasan na nawawala na ang kanyang wallet.
Nawalan na, aniya, siya ng pag-asa na maibabalik pa sa kanya ang pera dahil inakala niyang nadukutan siya sa bus habang pauwi.
Gayunman, kahapon ay nakatanggap siya ng tawag mula sa mga tauhan ni NAIA Assistant General Manager Arnulfo Junio sa Lost And Found Department, at sinabing natagpuan ang kanyang wallet, at kailan lamang natukoy ang contact number ni Vallada.
-Ariel Fernandez