NAILIGTAS ang ABS-CBN broadcast journalist na si Jorge Cariño at kanyang pamilya mula sinasakyang motorboat, makaraang magloko ang makina nito habang naglalakbay patungong Pujada Bay sa Mati, Davao Oriental, lahad ng Philippine Coast Guard sa ulat kahapon.
Kinumpirma ng Coast Guard na tinulungan ng local coast guard unit si Jorge at ang kanyang pamilya nitong Lunes, nang bigla umanong magloko ang makina ng bangkang de-motor sa kanilang island tour.
Ayon sa Coast Guard Station Mati, may nag-report umano sa mga ito na may isang bangka na namataang hindi na umuusad sa karagatan ng Pujada Bay.
Kaagad na ipinadala ang search and rescue team sa area, at ni-rescue ang pamilya Cariño at mga crew member ng motorboat.
Sinabi ni Cariño sa mga awtoridad na nirentahan niya ang bangka para sa island tour papuntang Pujada Island. Gayunman, nagkaaberya ang makina nito sa kalagitnaan ng kanilang paglalakbay.
Kalaunan ay inilipat ang limang pasahero sa Aluminum Boat-236 at idinaong sa Mati Wharf. Kinumpiska naman ang hindi pinangalanang motorboat, kasama ang mga crew, sa pinakamalapit na baybayin.
Walang naiulat na nasaktan sa insidente, pahayag ng Coast Guard at nakarating nang ligtas ang lahat ng pasahero at crew ng sa Mati Wharf.
-BETHEENA KAE UNITE