SA gitna ng pagluluksa sa nangyaring insidente ng pamamaril kamakailan sa tatlong pari sa Nueva Ecija, Laguna at Cagayan, may mga nagmumungkahi na armasan ang mga pari sa bansa bilang depensa sa kanilang sarili.
Naghahanda para sa isang Misa si Fr. Richmond Nilo nang mapatay siya sa loob ng kapilya sa Zaragoza, Nueva Ecija, nitong Hunyo 10. Apat na araw bago ang insidente, binaril at sugatan si Fr. Rey Urmeneta sa bayan ng Calamba, Laguna. Nitong Abril, patay sa pamamaril si Fr. Mark Ventura na katatapos lamang magmisa sa Cagayan. At noong Disyembre ng nakaraang taon, nasawi si Fr. Marcelito Paez matapos siyang barilin sa Jaen, Nueva Ecija.
Nitong Sabado, inihayag ni Archbishop Romulo Valles, pangulo ng Catholic Bishops Conference of the Philippines (CBCP), ang tindig ng Simbahan laban sa mungkahing armasan ang mga pari sa bansa. “We are men of God, men of the Church, and it is part of our ministry to face dangers, to face death if one may say it that way. But we would do just what Jesus did,” ayon sa ulat ng CPBP. Hindi kinalaban ni Hesus ang mga nais pumatay sa Kanya. Sa halip, pinayuhan niya ang mga sumusunod sa kanya na unawain ang mga ito.
Ngayong Hunyo, lumabas din ang mga mungkahi para armasan ang mga prosekyutor makaraang patayin ng isang jeepney driver ang babaeng prosekyutor ng Office of the Ombudsman. Mayroong kahalintulad na panukala para naman armasan ang mga opisyal ng barangay matapos umabot sa 20 kapitan ng barangay at kagawad ang napatay, kabilang ang pinakabagong kaso nitong May 14 sa Tanza, Cavite.
Sa Amerika, inihain din ang kahalintulad na panukala para armasan ang mga guro matapos mangyari ang serye ng mass killing ng mga estudyante sa ilang paaralan, ngunit walang nangyari sa mungkahing ito.
Ang mga mungkahing ito ay tinanggihan ng iba’t ibang sektor para sa iisang dahilan—hindi trabaho ng mga guro, prosekyutor, kapitan ng barangay o ng pari na panatilihin ang kapayapaan at kaayusan ng komunidad. Ito ay tungkulin ng mga pulis.
Mali at hindi naaayon ang mungkahi na magbitbit ng armas ang mga pari at iba pang alagad ng Diyos sa pangangaral at pagpapahayag ng Kristiyanismo, na handang gumanti para sa anumang banta sa kanilang buhay.
Nitong nakaraang linggo, inilabas ng Philippine National Police (PNP) Directorate of Investigation and Detective Management (DIDM) ang ulat na sa nakalipas na dalawang taon, nasa kabuuang 22, 983 ang naitalang “Deaths under Inquiry” sa buong bansa. Una nang pinangambahan na karamihan sa mga namatay ay may kinalaman sa kampanya ng pamahalaan laban sa ilegal na droga, ngunit 4,279 lamang ang may kaugnayan dito, ayon sa Presidential Communication Operations Office
May kaugnayan man sa droga o wala, ang dumaraming pagpatay sa bansa ay isang malaking problema ng bansa. Ang solusyon, kailangan igiit na hindi ito sa pamamagitan ng pag-aarmas ng mga opisyal ng barangay o prosekyutor at lalong hindi mga pari. Hinihikayat natin ang pulisya na ibuhos ang kanilang atensyon at tungkulin sa bagay na ito.