Pitong katao, kabilang ang isang dating pulis, ang inaresto nang mahuli sa aktong humihithit ng ipinagbabawal na gamot sa Caloocan City, nitong Martes ng hapon.

Hawak ngayon ng Caloocan City police ang mga suspek na kinilala ni Supt. Ferdie Del Rosario, deputy chief for operation, na sina

Joel Tubera, dating pulis na nakatalaga sa Pampanga Police Office, ng Barangay 177 ng nasabing lungsod; Leo Padillon, 52, Carlo Raciles, 40, Mark Nicolas Cruz, 30, Arjie Luanon, 29, security guard; John Paul Sayasa, 30; at Lorraine Calimag.

Ayon kay Del Rosario, humingi ng tulong ang isang concerned citizen sa Police Community Precinct (PCP) 5 at isinumbong ang pot session malapit sa bahay ng dating pulis, bandang 5:20 ng hapon.

Politics

Dalawang Tulfo brothers, nanguna sa survey ng senatorial race

Nirespondehan ng mga pulis ang lugar at inaresto ang mga suspek.

Nakumpiska ang apat na pakete ng umano’y droga at mga drug paraphernalia.

Nasamsam din kay Tubera ang isang police badge.

Sa pagsisiyasat, sinibak sa serbisyo si Tubera dahil sa pagkakasangkot sa ilegal na droga.

Nahaharap ang mga suspek sa kasong palabag sa Republic Act 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.

-Orly L. Barcala