Nagsasagawa ng sariling imbestigasyon ang Simbahang Katoliko sa Camarines Sur hinggil sa kaso ng pagpatay sa isang 28- anyos na babae, na ang itinuturong suspek ay isa nilang pari.
Ayon sa Archdiocese of Caceres, labis nilang ikinababahala ang naturang alegasyon kaya nagpasya silang magsagawa ng sariling imbestigasyon.
“The archdiocese, at the moment, is conducting its own investigation and will take appropriate action in accordance with the Code of Canon Law,” pahayag ni archdiocesan chancellor Fr. Darius Romualdo.
“At this time that we are searching for the truth, we ask for prayers and prudence.” dagdag niya.
Aniya, habang nagpapatuloy ang kanilang imbestigasyon sa kaso ng pagpatay kay Jeraldyn Rapinan ay makikipagtulungan din sila sa imbestigasyon ng awtoridad.
Una rito, natagpuan ang bangkay ni Rapinan, na may mga saksak sa katawan at nakagapos ang mga paa at kamay sa madamong bahagi ng Maharlika Highway sa Del Pilar, San Fernando sa Camarines Sur noong Hunyo 15.
-Mary Ann Santiago