Sa kabila ng pagtanggi at pagbabawal ng Simbahang Katoliko sa mga pari na magbitbit ng sariling baril, kinumpirma kahapon ng Philippine National Police (PNP) na may kabuuang 246 na aplikasyon ng permit to carry firearms ang natanggap ng pulisya mula sa mga alagad ng simbahan.

Sinabi ni PNP chief Director General Oscar Albayalde na handa silang tanggapin ang lahat ng aplikasyon para sa nasabing permit, alinsunod sa Comprehensive Law on Firearms and Ammunition (RA 10591).

Sa nasabing bilang, sinabi ni Albayalde na 188 pari ang nag-request sa PNP national headquarters para sa Permit to Carry Firearms Outside of Residence (PTCFOR), habang ang 58 iba pa ay mga ministro, preacher, at pastor.

“As a policy and by the power vested in me as the approving authority for PTCFOR, we may duly qualified requests for PTCFOR by duly qualified gun holders among members of the clergy and leaders of religious congregations, subject to their compliance with the minimum requirements,” sabi ni Albayalde.

Eleksyon

Archdiocese of Manila, hindi mag-eendorso ng kandidato sa eleksyon

Nakasaad sa Article II, Section 7 ng RA 10591 na kabilang sa mga maaaring mag-apply ng PTCFOR ang ilang propesyunal, tulad ng mga pari, ministro, rabbi at imam.

Sinabi naman ni Albayalde na bukod sa aapurahin niya ang aplikasyon ng PTCFOR ng mga nasa religious sector, handa rin ang PNP na magbigay ng pagsasanay kung paano ang tama at ligtas na paggamit ng baril.

“We are also amenable to taking the extra step of providing firearms proficiency and marksmanship training to religious leaders who wish to own and possess firearms,” ani Albayalde.

Lumutang ang usapin sa pag-aarmas ng mga pari sa bansa matapos ang magkakasunod na pagpatay sa tatlong paring Katoliko sa bansa simula noong Disyembre 2017, na ang huli ay si Fr. Richmond Nilo, na binaril sa altar sa aktong magmimisa sa Nueva Ecija.

Una nang kinumpirma ng PNP na ilang pari sa San Pablo City, Laguna ang nag-iingat na ng kani-kanyang baril.

-Martin A. Sadongdong