Mismong ang hepe ng Pasig City Police na si Police Senior Supt. Orlando Yebra, Jr. ang nanguna sa pagdakip sa dalawa umanong magnanakaw na nanloob sa bahay ng isang call center agent sa Barangay Sta. Lucia, Pasig City, kahapon ng madaling araw.

Sa ulat ni Yebra kay Eastern Police District (EPD) Director Police Chief Supt. Alfred Corpus, inaresto niya at ng kanyang mga tauhan ang mga suspek na sina Michael Mendietta, 26, ng 15-A Industriya Street; at Rigor Herrera, alyas Pusa, 54, ng 49-D Sunflower St., kapwa sa Bgy. Kapasigan, dakong 3:30 ng madaling araw.

Una rito, nag-iinspeksiyon si Yebra sa kanyang mga night shift personnel sa Police Community Precinct (PCP) 6 nang dumating ang complainant na si Carlito Obero, Jr., 23, call center agent, at inireklamo ang panloloob ng mga suspek sa kanyang tahanan sa Unit 5, Lot 11, Country Side Avenue, sa Barangay Sta. Lucia.

Hindi nag-aksaya ng panahon si Yebra at inaresto ang mga suspek.

VP Sara, FPRRD, pinilahan umano ng 40,000 katao sa kanilang Pamasko sa Davao City

Narekober mula sa mga suspek ang mahahalagang gamit ng biktima, na tinatayang aabot sa P7,100 ang halaga, gayundin ang isang motorsiklo (VF 3167).

Sasampahan ang mga suspek ng kasong robbery.

-Mary Ann Santiago