SA paggunita ng Eid’l Fitr bilang hudyat ng pagtatapos ng banal na buwan ng Ramadhan nitong Huwebes, ipinanawagan nina Gov. Mujiv Hataman ng Autonomous Region of Muslim Mindanao (ARMM) at Gov. Esmael Mangudadatu ng Maguindanao ang kapayapaan para sa Mindanao kung saan kasalukuyang naninirahan ang karamihan ng mga Muslim.
“Our (Ramadan) fast embodies the many choices we are faced with in this world. We are taught, at every moment, to submit to the will of Allah, to side with what is kind, just, and good…,” pahayag ni Hataman, ng ARMM na malapit nang maging Bangsamoro Autonomous Region. Hinikayat din ni Governor Mangudadatu ang mga tao na: “Let us sustain throughout our lifetime the teachings of Islam we learn in Ramadam -- ideal virtues like patience, piety, conciliatory, utmost concern for fellow mankind, and strong faith in God.”
Sa nakalipas na mga taon, naging lugar ng karahasan ang Mindanao, maraming Muslim dito ang napapabilang sa mga rebeldeng grupo na naghahangad ng pagtiwalag mula sa pambansang gobyerno. Ang Moro National Liberation Front (MNLF) na nakipaglaban sa pamahalaan sa maraming taon, na sinundan ng Moro Islamic Liberation Front (MILF). Nariyan din ang ilang maliit na grupo tulad ng Bangsamoro Islamic Freedom Fighters, ang Abu Sayyaf at ang grupo ng Maute na may kanya-kanyang hangarin. Lubos ang pagsisikap ni Pangulong Duterte upang maitatag ang Bangsamoro Autonomous Region upang, aniya, maituwid ang inhustisya sa kasaysayan.
Malaki ang pag-asa ng kapayapaan sa Mindanao, dulot ng rehiyon ng Bangsamoro na isinusulong ni Pangulong Duterte upang pagtibayin bilang isang nagsasariling rehiyon na isa sa mga plano sa ilalim ng pederal na sistema ng pamahalaan.
Gayunman, ang Mindanao, kasama ang iba pang bahagi ng bansa, ay may suliraning patuloy na nagdudulot ng problema sa pamahalaan. Ito ang Communist Party of the Philippines at ang puwersa nitong militar, ang New People’s Army.
Hinangad ni Pangulong Duterte ang kapayapaan kasama ng CPP-NPA sa simula pa lamang ng kanyang administrasyon, sa pamamagitan ng mga pagpupulong na matagumpay na naisulong ang pagbuo ng isang paunang kasunduan para sa ‘Social and Economic Reforms’, ‘Political and Constitutional Reforms’ at ‘End of Hostilities and Disposition of Forces.’
Matapos ihinto noong Nobyembre 2017 ang usaping pangkapayapaan, muli itong ipagpapatuloy sa Hunyo 28. Ngunit ipinagpaliban ng pamahalaan ang nakatakda sanang pagpupulong sa Norway, kasama si Pangulong Duterte na humiling na hingin ang opinyon ng publiko para sa pag-uusap kasama ang CCP at NPA. Nitong Huwebes, binatikos ni CPP Founding Chairman Jose Ma. Sison ang bagong desisyon ng gobyerno.
Sa ngayon, mayroon tayong dalawang hakbangin para sa Mindanao—ang inaasahang kapayapaan kasama ang mga kababayan nating Muslim at ang posibilidad ng pag-usbong ng bagong karahasan at sigalot sa mga Komunista. Nitong Biyernes, inanunsyo rin ng PhilippinesArmy ang paglulunsad ng agresibong kampanya upang makahikayat ng hindi bababa sa 6,000 bagong opisyal at miyembro upang palakasin ang puwersa ng pamahalaan sa Mindanao.
Patuloy nating susubaybayan ang mga pagbabago sa Mindanao kasama ng pangamba, ngunit may pag-asa na makahanap ng paraan ang mga taong may magandang hangarin upang masolusyunan ang mga hindi pagkakasundo at matagumpay na maisulong ang kapayapaan sa Mindanao.