BILANG bahagi ng pagtataguyod sa kapakanan ng mga consumer, nakatakdang ilunsad ng Department of Trade and Industry (DTI)-Cavite ang “Kosumerismo sa Kanayunan” sa bayan ng Magallanes sa Hulyo 7.
Inanunsiyo ng Department of Trade and Industry -Cavite’s Consumer Protection Division nitong Lunes ang layunin ng proyekto na makaabot sa malalayong lugar sa Cavite ang serbisyo ng Department of Trade and Industry, upang maisulong ang kaalaman ng mga mamimili at matamasa ang kasaganahan ng maliliit na negosyo sa mga liblib na lugar sa pamamagitan ng pagtutulungan ng public-private sector.
Kabilang sa 3-pronged strategic approach ng proyekto ang pagsasagawa ng mga seminar tungkol sa Consumer Protection Awareness Advocacy at ang pagdadala ng “Diskwento Caravan: Sari-Sari Store Edition” ng Department of Trade and Industry sa mga malalayong lugar.
Magbibigay ito ng oportunidad sa mga may-ari ng maliliit na tindahan sa mga komunidad sa probinsiya na hindi kakailanganin pang magtungo sa mga bayan upang makabili ng kanilang mga pangangailangan at makipagtulungan sa mga interesado, sa tulong ng lokal na pamahalaan, kasama ang ilang supermarket at mga distributor ng pangunahing pangangailangan ng mga mamimili.
Samantala, ang proyektong ito ng Department of Trade and Industry ay itinaguyod katuwang ang Puregold Priceclub, Inc para sa maaaring pagtanggal ng “Aling Puring” card ng mga benepisyaryo.
Nakatakdang idaos ang programa sa Magallanes Covered Court, na magsisimula ng 8:30 ng umaga, at inaasahang dadaluhan ng mga opisyal ng LGU at Department of Trade and Industry sa Hulyo 7.
Pagsapit ng hapon, susundan ito ng iba’t ibang aktibidad kabilang ang seminar sa Fair Trade Law at Poster Making Contest para sa mga mag-aaral ng Magallanes Elem. School.
PNA