Tinatayang nasa P40 milyon halaga ng pekeng beauty products, branded na sapatos, at skimming devices ang nakumpiska ng mga tauhan ng Bureau of Customs (BoC) sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA).
Sa ulat ng ahensiya, nakuha ng BoC-NAIA sa bodega ng Paircargo ang 12 balikbayan box na naglalaman ng 6,500 piraso ng Abu Dhabi-imported beauty products ng Goree Day at Night Whitening Cream, Goree Beauty Cream, Goree Lotion, sabon at iba pang make-up kits na nagkakahalaga umano ng P8 milyon.
“These non-Food and Administration Agency (FDA) approved beauty products were disguised as balikbayan boxes declared to contain personal effects and household goods, consigned to Associated Freight Consolidators and other multiple consignees,” ani Customs Commissioner Isidro Lapeña.
Nakumpiska rin ng BoC ang 15 balikbayan box mula sa Italy, na ipadadala sa Associated Freight Consolidators, na naglalaman ng 111 pares ng original rubber shoes na nasa P7 milyon ang halaga.
Kabilang sa brand ng mga nakumpiskang sapatos ang Nike Airmax DLX, Airmax 1/97 VF SW, Nike Vapormax FK, Adidas Yeezy Powerhouse CG6420, Adidas PW Holi NMD MC, Vans Era 95 DX, Balenciaga sneakers, Air Jordan 1 Retro, at mga gamit na Nike sneakers.
Samantala, mahigit 1,110 skimming devices naman ang nasamsam ng ahensiya sa tatlong terminal ng NAIA mula sa mga pasahero mula sa China, Taiwan, Hong Kong, Malaysia, at Indonesia, simula Disyembre 16, 2017 hanggang Hunyo 1, 2018.
-Mina Navarro