Mga Laro Ngayon
(Araneta Coliseum)
4:30 n.h. -- Phoenix vs Globalport
7:00 n.h. -- Columbian Dyip vs Ginebra
MAKAPUWESTO sa top 8 para sa darating na playoffs ang maigting na paglalabanan ng apat na koponan ngayon partikular ang mga nasa alanganing posisyong Phoenix at Barangay Ginebra sa papatapos ng eliminations ng 2018 PBA Commissioners Cup sa Araneta Coliseum.
Sa dalawang koponang nabanggit, pinakamalaki ang tsansa ng Kings na makahabol sa top 8 dahil may natitira pa itong tatlong laro kumpara sa Fuel Masters na mayroon na lamang dalawang laban sa elimination round.
Magkasunod sa kasalukuyan ang dalawang koponan sa pang-anim at pampitong posisyon taglay ang barahang 3-5, at 3-6 kasunod ng pumapanglimang Columbian Dyip at Magnolia na may markang 4-5.
Ang Dyip ang makakatunggali ng Kings sa huling laban ngayong 7:00 ng gabi matapos ang unang laro kung saan makakatapat ng Phoenix ang Globalport ganap na 4:30 ng hapon.
Nasa ika-4 na puwesto taglay ang patas na barahang 4-4, kasalo ng Magnolia, tatangkain ng Batang Pier na masungkit ang ikalimang tagumpay kasunod ng malaking panalo kontra defending champion Beermen sa nakaraan nilang laban upang makalapit sa inaasam na playoff berth.
Gaya ng Batang Pier, target din ng Dyip na makamit ang ikalimang panalo upang palakasin ang tsansa nila na makaabot ng playoff round.
Batay sa format, ang top 8 teams ay uusad sa susunod na round kung saan ang top two teams ay may twice to beat advantage kontra sa lowest two habang magtutuos sa best of 3 series ang no. 3 at no. 6 teams gayundin ang no. 4 at no. 5 squads.