Iginiit ni Senator Risa Hontiveros na dapat na mas pagtuunan ng pansin ng pamahalaan ang pagpapalayas sa mga Chinese na nakatambay sa Panatag Shoal, o Scarborough Shoal sa Zambales, at hindi ang pagpapaaresto sa mga taong walang trabaho at tambay sa bansa.
“’Yan ang mahirap kay Pangulong Duterte, eh. Matapang lang siya sa mga mahihirap, walang trabaho at walang kalaban-laban na mga tambay, pero tiklop naman sa China na nasa Panatag Shoal na forever na yatang tumambay,” lahad ni Hontiveros.
Ito ang reaksiyon ng senadora kasunod ng pag-aresto kamakailan ng mga pulis-Makati sa isang grupo ng magkakaibigan na naghihintay lang umano sa tapat ng bahay ng isa sa kanila sa naturang lungsod.
“What kind of logic is operating behind this so-called order? Bystanders are automatic criminals? Hanging out will lead to crimes? What’s next? Is the President also going to criminalize the use of motorcycles because it is the vehicle of choice of riding-in-tandem criminals? It is absurd!” ani Hontiveros.
Aniya, bilang isang abogado, dapat alam ng Pangulo ang legalidad ng naturang hakbangin lalo pa dahil ang bagansiya ay matagal nang wala.
Maging si Senator Panfilo Lacson, na dating hepe ng Philippine National Police (PNP), ay tutol din sa nasabing hakbang ng pulisya.
Ayon kay Lacson, matagal nang paso ang batas hinggil sa bagansya, at may mga lokal na ordinansa na hinggil dito na dapat na ipinatutupad.
-Leonel M. Abasola