Patay ang isang hindi pa nakikilalang carnapper habang nakatakas ang dalawa nitong kasabwat nang makipagbarilan sa mga pulis matapos tangayin ang motorsiklo ng isang babae sa Caloocan City, kahapon ng madaling araw.
Ayon kay Chief Inspector Raymond Nicolas ng North Caloocan Police Station, walang pagkakakilanlan ang suspek at inilarawang may taas na 5’6”, katamtaman ang pangangatawan, kayumanggi, nakasuot ng itim na T-shirt at pulang basketball shorts.
Sa salaysay ng biktima, na itinago sa pangalang “Joy”, sakay siya sa kanyang motorsiklo at binabaybay ang kahabaan ng Phase A, Barangay 176, Bagong Silang, Caloocan City, dakong 1:00 ng madaling araw.
Hinarang umano siya ng tatlong lalaki, na sakay din sa motorsiklo, at inakala niyang mga pulis ang mga ito.
“Kinuha ko ‘yung wallet ko para ibigay ang drivers license ko, pero hindi po nila kinuha tapos sinabihan ako ng mga lalaki na huwag ng patayin ang makina ng motor,” ani Joy.
Makalipas ang ilang sandali, nagulat umano ang biktima dahil pati ang susi ng kanyang motor ay kinuha ng mga suspek at sinakyan bago tumakas.
Sa oras na iyon, nagkataong rumuronda ang mga pulis at hinabol ang mga suspek hanggang sa nagbarilan at bumulagta ang isa habang nakatakas ang dalawa.
Narekober ang isang cal. 38 at apat na pakete ng umano’y shabu.
-Orly L. Barcala