NOONG panahon ni ex-Pres. Noynoy Aquino, nauso ang “tanim-bala” o laglag-bala. Isa itong dahilan na ikinasuya ng taumbayan sa administrasyong Aquino. Isipin ninyo ang pahirap nito sa mga pasahero, tulad ng nangyari sa mag-asawang senior citizen na pupunta sa US para dalawin ang anak, pero pinigil sa airport dahil may bala raw sa loob ng kanilang bagahe.
Nang kumakandidato si Davao City Mayor Rodrigo Duterte sa panguluhan noong 2016, nagbanta siya sa nagtatanim ng bala sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) na kapag siya ay nahalal, ipakakain niya ang bala sakanila. Ibinoto siya ng mga tao. Nawala ang “tanim-bala” sa paliparan.
Sa banner story ng BALITA noong Lunes na “May kakain ng bala”, binigyan ni PRRD ng 24 oras ang mga pinuno ng NAIA at ng Department of Transportation (DOTr) ng 24 oras na imbestigahan ang bagong insidente ng “tanim-bala” na nangyari noong Hunyo 15 sa Terminal 3 Gate 2.
Bunsod ng sunud-sunod na pagpatay sa mga paring katoliko, inatasan ni Justice Sec. Menardo Guevarra ang National Bureau of Investigation (NBI) na magsagawa ng pagsisiyasat tungkol dito. Gayunman, ang Philippine National Police (PNP) pa rin ang lead investigator sa mga kaso ng pagpatay sa mga pari.
Tama lang ang kautusang ito ni Guevarra. Kung ang mga pagpatay sa mga drug pusher at user ay pinaiimbestigahan, gaano pa ang pagpasalang sa mga pari na alagad ng kapayapaan. Kontra ang mga obispo sa mungkahing armasan ang mga pari upang ipagtanggol ang mga sarili.
Diskuwalipikado si Labor Sec. Silvestre Bello III na hirangin o kahit i-nominate bilang Ombudsman dahil may kinakaharap siyang criminal at administrative charges sa Office of the Ombudsman. Batay sa alituntunin ng Judicial Bar Council, ang mga tao o pinuno na may nakapending na kaso ay diskuwalipikado sa nominasyon o paghirang sa puwesto.
Batay sa ulat, si Bello ay may nakabinbing criminal case na graft at kasong administratibo dahil naman sa misconduct. Sino kaya ang makakapalit ni Ombudsman Conchita Carpio-Morales na naging “tinik” sa lalamunan ng Duterte administration?
Alam ba ninyong nais ng Department of Education (DepEd) na idagdag ang Good Manners, Right Conduct and Right Values sa aralin ng mga estudyante ngayon? Sa caricature ng mapagbirong kalabaw sa isang English broadsheet, ganito ang bulalas niya: “Lesson No. 1: Huwag Magmura.” Kwidaw ka kalabaw, baka alisin ang caricature mo dyan.
-Bert de Guzman