Tiniyak kahapon ng Philippine National Police (PNP) na hindi magbubunsod ng deklarasyon ng martial law sa buong bansa ang maigting na kampanya ng gobyerno laban sa mga tambay sa kalsada.

Paliwanag ni PNP chief Director General Oscar Albayalde, layunin ng anti-tambay campaign ng pulisya na maiwasan ang krimen na direktang iniuugnay sa mga nakatambay sa lansangan sa dis-oras ng gabi.

“Even when we were young, merong nag-iistambay sa mga kalsada pero iba kasi noon at iba ngayon. Mas madalas kasi ngayon, lalo na kapag nakaistambay sa mga delikadong lugar, kapag may napadaan d’yan kinukursunada o mas madalas, d’yan naghihintay ‘yung mga kriminal,” sabi ni Albayalde.

Aniya, hindi dapat na mangamba ang publiko na mauuwi sa warrantless arrests ang sunud-sunod na pagdakip ng pulisya sa mga tambay, gaya ng nangyari habang umiiral ang batas militar na idineklara ni dating Pangulong Ferdinand Marcos Sr. noong 1972.

Empleyadong lasing, patay matapos sapakin ng ginising na katrabaho

“Hindi naman siguro. Malayung-malayo, kasi sabi nga natin, matagal nang ginagawa ito,” sabi pa ni Albayalde.

Simula 5:00 ng umaga nitong Hunyo 13 hanggang 5:00 ng hapon nitong Hunyo 18 ay umabot na sa 5,575 katao ang inaresto sa Metro Manila pa lamang, ayon kay National Capital Region Police Office (NCRPO) Director Chief Supt. Guillermo Eleazar.

Kaugnay nito, ipinag-utos kahapon ni Eleazar ang pagsibak sa precinct commander sa Makati City at isang tauhan nito kaugnay ng pagdakip sa dalawang call center agent kamakailan.

Sinibak ni Eleazar sina Senior Insp. Aaron Elago, hepe ng Police Community Precinct (PCP)-6 ng Makati City Police; at SPO2 James Teano, desk officer ng nasabing presinto.

“I have also directed the District Director of the Southern Police District to fast track the investigation regarding then issue which is now viral in the social media,” ani Eleazar.

Matatandaang nag-viral ang social media post ng isang call center agent na nagsabing inaresto siya ng mga pulis, kasama ang kanyang kaibigan nitong Sabado, habang naghihintay sila sa isa pa niyang kaibigan sa Makati City.

-MARTIN A. SADONG DONG at AARON B. RECUENCO