Isang hero’s welcome ang ibibigay ng Taguig City sa pagdating ng mga labi ng overseas Filipino worker (OFW) na si Henry John Acorda, na pinatay sa bugbog sa Slovakia dahil sa pagtatanggol sa dalawang kasamahang babae.
Sa ulat ng Department of Foreign Affairs (DFA), lumapag ang eroplano ng Slovak Government na sinakyan ng labi ni Acorda sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) sa Pasay City, dakong 10:17 ng umaga kahapon. Sakay din ng eroplano ang ina at dalawang kapatid ni Acorda.
Sinalubong sila nina DFA Secretary Alan Peter Cayetano, maybahay nitong si Taguig City Mayor Lani Cayetano, Overseas Workers Welfare Administration (OWWA) Administrator Hans Leo Cacdac at ilang kamag-anak ng pamilya Acorda.
Sinabi ni Mayor Lani na nakaplano ang hero’s welcome para kay Acorda, bilang isang residente ng Taguig City.
Si Acorda, 36-anyos na financial analyst, ay namatay sa isang ospital sa Bratislava noong Mayo 31, matapos bugbugin ng isang Slovakian weightlifter nang ipagtanggol niya ang kasamahang ng Pinay at isang Polish, mula sa pangmomolestiya.
-Bella Gamotea at Mina Navarro