AAKYAT ng timbang si dating Global Boxing Union (GBU) at Women’s International Boxing Association (WIBA) minimumweight champion Gretchen Abaniel upang hamunin si World Boxing Organization (WBO) female light flyweight champion Tenkai Tsunami sa Hulyo 29 sa Convention Center, Ginowan, Japan.

Galing si Abaniel sa kontrobersiyal na pagkatalo sa puntos kay International Boxing Federation (IBF) female minimumweight champion Zongju Cai noong Oktubre 28, 2017 sa Macao East Asian Games Dome sa Macau, China pero siya ang piniling challenger ni Tsunami.

Kilala sa bansag na “Chen Chen” ang 32-anyos at tubong Palawan na si Abaniel na unang naging WIBA minimumweight champion noong 2009 nang talunin sa puntos si Buasawan Wichetsat sa Centennial Hall sa Manila Hotel sa Maynila.

Ito ang unang pagkakataon na lalaban si Abaniel sa light flyweight division laban sa beteranang Haponesa na si Tsunami na may kartadang 25 panalo, 12 talo na may 14 na pagwawagi sa knockouts.

'Pikon daw?' UAAP fan na nag-dirty finger, agaw-eksena sa San Juan Arena!

May rekord si Abaniel na 18-9-0 na may 6 pagwawagi sa knockouts at umaasang magwawagi kay Tsunami upang maging two-division world champion sa kababaihan.

-Gilbert Espeña