Nasa kabuuang 612 katao, kabilang ang 21 tambay, ang inaresto sa pagpapatupad ng mga ordinansa sa katimugang bahagi ng Metro Manila, iniulat ng Southern Police District (SPD), kahapon.

Ayon kay SPD Director Tomas Apolinario, Jr., saklaw ng operasyon ang Taguig, Makati, Pasay, Parañaque, Muntinlupa, Las Piñas City at Pateros simula 5:00 ng madaling araw ng Hunyo 18 hanggang 5:00 ng madaling araw kahapon.

Sa nasabing bilang, 162 ang nahuling umiinom ng alak sa kalye; 98 ang nakahubad baro; 287 menor de edad ang nagpagala-gala sa kabila ng curfew; 39 ang dinampot dahil sa paninigarilyo; apat ang umiihi sa bangketa; 21 tambay at isang illegal fixer.

Sa kabila ng kaliwa’t kanang kritisismo ng publiko hinggil sa pag-aresto sa mga tambay dahil sa posibleng paglabag sa karapatang pantao, dinampot pa rin ng awtoridad ang 16 na tambay sa Taguig City at ang limang iba pa sa Makati City.

National

FL Liza Araneta-Marcos, nanguna sa pagbubukas ng ilang atraksyon sa Intramuros

Isinailalim sa beripikasyon at dokumentasyon ang mga lumabag sa iba’t ibang ordinansa bago pinakawalan.

-Bella Gamotea