SA kasaysayan ng iniibig nating Pililipinas at sa kalendaryo ng talambuhay ng ating mga bayaning Pilipino, mahalaga ang ika-19 ng Hunyo sapagkat paggunita at pagdiriwang ng ika-157 taong kaarawan ng ating pambansang bayaning si Dr.Jose Rizal. Ang pinakasentro ng pagdiriwang ay ang Calamba (lungsod na ngayon), Laguna na sinilangan ng ating pambansang bayani. May iba’t ibang activity o gawain na ilulunsad ang pamahalaang panlungsod na lalahukan ng mga mamamayan, mag-aaral at guro bilang pagpaparangal sa ating pambansang bayani na kanilang kababayan.

Sa hanay ng ating mga pambansang bayani, masasabing natatangi si Dr. Jose Rizal dahil sa taglay niyang talino at mga katangian. Ang ating pambansang bayani’y isang makata, nobelista, doktor, manunulat, pintor, engineer at higit sa lahat, bayani sa lahat ng panahon at henerasyon. Ang mga katangiang ito ng ating pambansang bayani ay kinilala na rin at binigyan ng pagpapahalaga nang gunitain at ipagdiwang ang kanyang sentenaryo o ika-100 taon kaarawan noong Hunyo19, 1961. Ang Pilipinas ay nag-ukol ng iba’t ibang uri ng pagdiriwang, parangal at pagpapahalaga.

Ang pangalan at kadakilaan ni Dr.Jose Rizal ay hindi lamang sa Pilipinas nakilala at nagliwanag na parang sikat ng araw kundi maging sa buong daigdig. Ang ating pambansang bayani ay nagsilbing inspirasyon nang maghimagsik ang mga Pililipino laban sa mga mapanupil at mapanikil na mga Kastila. Naghasik ng binhi ng Kristiyanismo at ang mga Pilipino ay natutong tumingala sa langit. Ngunit sa mahigit na 300 taon, umiral ang panunupil sa kalayaan at mga karapatan ng mga Pilipino. Ang panunupil ay humantong sa paghihimagsik ng mga Pilipino. Kabilang na rito ang Himagsikan na inilunsad at pinamunuan ni Gat Andres Bonifacio, ang ama ng Katipunan.

Bilang isang nobelista, ang sinulat ng ating pambansang bayani na dalawang nobelang “Noli Me Tangere”at “El Filibusterismo” ay nakatulong sa pagmumulat sa mga Pilipino ng mga nangyayari sa ating bansa noong panahon ng mga Kastila. Ang “Noli Me Tangere ay isang nobelang panlipunan at ang “El Filibusterismo” na isang political novel ay naglalarawan ng buhay, pamumuhay, pangarap ng mga Pilipino at ang paghingi nila ng reporma o pagbabago. Hanggang sa kasalukuyan, napapanahon ang nilalaman ng dalawang nobela sapagkat tumutukoy ito sa mga katiwalian sa pamahalaan at lipunan. Tulad ng pagsasamantala sa kapangyarihan at kawalan ng katapatan sa panunungkulan.

Sa isang bahagi ng kabanata sa nobelang “El Filibusterismo” ay binanggit ng ating pambansang bayani na ang mga tulisan sa bayan ay masahol pa sa mga tulisan sa bundok. Kung iuugnay sa ating panahon, maaaring ang tinutukoy ay ang mga mandarambong ng pondo ng bayan na nagiging dahilan ng paghihirap ng mamamayan.

Sa kalawakan ng karunungan ni Dr. Jose Rizal, naging bahagi na siya ng bawat mahahalagang bagay na nakapaloob sa ating kasaysayan. Kalaban siya ng mga katiwalian sa pamahalaan at lipunan.I sang sakit na sa paglipas ng panahon ay patuloy na sumisira sa pinakaugat ng ating lahi. Naniniwala ang ating pambansang bayani na ang pamayanan at ang pamahalaan ay magkaugnay sa isa’t isa, na hindi maaaring magsama ang isang bulok na gobyerno at isang mabuting sambayanan. Gayundin naman ang isang masamang sambayanan at isang mabuting pamahalaan.

Dahil dito, masidhi ang paghahanghad ng ating pambansang bayani na ang tao’y maturuan nang wasto at mabuti. Nais niyang magising ang kanilang damdaming makabayan sapagkat ayon sa ating pambansang bayani: “Walang mang-aalipin, kung walang nagpapaalipin”. Ibig ni Dr .Jose Rizal, ang mga Pilipino ay maging marunong at malaya sapagkat ang karunungan at kalayaan ay mahalaga sa buhay ng tao. Kung wala ang karunungan at kalayaan, wala ring magagawang pagbabago at paraan na makamtan ang kanilang minimithi.

Kaugnay naman ng paggunita at pagdiriwang ng kaarawan ni Dr. Jose Rizal, nakatakdang gawin ngayong Hunyo 19 ang pagkakaloob ng pagkilala at parangal sa natatanging Rizalenyo sa idaraos na GAWAD RIZAL 2018. Ang nasabing pagkilala at parangal ay ipinagkakaloob sa mga Rizalenyo na nagtagumpay sa iba’t ibang larangan. Pangungunahan ang GAWAD RIZAL 2018 ng chairman nito na si Propesor Ver Esguerra. Ang pagkakaloob ng parangal ay gagawin sa SM Cherry Antipolo City.

-Clemen Bautista