May kabuuang 4,279 na suspek sa ilegal na droga ang namatay sa anti-drugs campaign ng pamahalaan simula noong 2016.
“These are the real numbers,” ito ang pahayag ni Presidential Communication Operations Office (PCOO) Secretary Martin Andanar sa ginanap na talakayan para sa ikalawang anibersaryo ng #Real NumbersPH. “All else other than these are either false, manufactured, or fake,” sabi nito.
Itinatag ng PCOO ang “real numbers” upang kontrahin ang iba’t ibang malalaking bilang na lumalabas sa mga balita— na halos umabot sa bilang na 12,000. Ang mataas na bilang na ito ang naging dahilan upang kondenahin ng ilang grupo ng international human rights ang kampanya laban sa ilegal na droga na pinasimulan ng administrasyong Duterte.
Nitong nakaraang linggo, inilabas ng Philippine National Police ang mas nakabibiglang ulat—mayroong 22,983 kaso ng pagpatay ang inilarawan na “Deaths Under Inquiry” (DUI) mula noong Hulyo 1, 2016 hanggang nitong Mayo 21, 2018. Sa unang 665 na araw ng bagong administrasyon, hindi bababa sa 33 tao kada araw ang nasasawi sa bansa, ayon sa ulat ng PNP Directorate of Investigation and Detective Management (DIDM).
Ang mga ito ay pagkamatay sa iba’t ibang paraan—posibilidad ng nakawan, away ng mga gang, ambush at iba pa. Ipinapalagay na kabilang dito ang tatlong pari na napatay kamakailan sa Nueva Ecija at Cagayan. Sa kabuuang ito, aabot lamang sa 4,279 ang may kinalaman sa kampanya ng pamahalaan laban sa ilegal na droga, ayon sa ulat kamakailan ng #Real NumbersPH.
Gayunman, may kaugnayan man o wala, isa pa rin itong bagay na kailangang pagtuunan ng pansin. Sapagkat, naglalarawan ito sa kalagayan ng kapayapaan at kaayusan ng bansa. Ipinakikita ng datos ang mabigat na responsibilidad ng ating kapulisan. Sa MiMaRoPa (Oriental Mindoro, Occidental Mindoro, Marinduque, Romblon, Palawan) Police Regional Office pa lang, tinatayang 343 kaso ang nalutas sa rehiyon habang 77 pa ang patuloy na iniimbestigahan, para sa 81 porsiyentong ‘crime clearance rating,’ ayon na rin sa naiulat ng pulisya sa isang pagpupulong sa Camp Crame, noong Mayo 24.
Maaaring hindi ito kayanin ng ibang mga police regional office dahil sa limitadong tauhan at kagamitan.Subalit, tinatanggap natin ang pinakabagong ulat na ito mula sa PNP dahil ibinibigay nito ang mas malawak na paglalarawan sa mga nangyaring pagpatay sa bansa sa nakalipas na dalawag taon. Tinatanggap natin ang ulat ng “real number” na 4,279 lamang ang bilang ng mga namatay sa kampanya ng pamahalaan, ngunit sa isang banda kailangan din nating bigyan ng atensyon para sa 22,983 iba’t ibang kaso ng pagkasawi sa bansa.
Nagdudulot ang mga pagpatay na ito ng malaking problema para sa pamahalaan at sa PNP. Matatagalan man, ngunit kailangan nang masusing imbestigasyon at paglutas bago malubog ang bansa sa bigat ng bilang ng mga hindi malutas na krimen.