Magtatakda ng polisiya ang Philippine National Police (PNP) para maging gabay ng mga pulis na dadakip sa mga nakatambay sa kalye, bilang bahagi ng kampanya ng bansa kontra krimen.
Hanggang kahapon, may kabuuang 2,981 na ang inaresto sa Metro Manila simula Biyernes hanggang Linggo, ayon sa datos ng National Capital Region Police Office (NCRPO).
Sa nasabing bilang, 944 ang inaresto sa paglabag sa curfew, 653 sa pag-iinuman sa kalsada, 651 ang hubad-baro, 456 ang naninigarilyo sa pampublikong lugar, at ang iba ay lumabag sa iba’t ibang batas-trapiko at ordinansa.
Kaugnay nito, pinaplano na ng PNP ang paglalabas ng polisiya na magsisilbing gabay ng mga pulis na humuhuli ng mga tambay sa lansangan.
Sinabi ni PNP chief Director General Oscar Albayalde na layunin nitong hindi magkaroon ng kalituhan sa panig ng pulisya.
Kabilang na sa nasabing bilang ng PNP ang 400 pinagdadampot ng mga tauhan ng Eastern Police District (EPD) sa Pasig (189), Mandaluyong (64), Marikina (127), at San Juan (20).
May kabuuang 392 naman ang dinampot ng Southern Police District (SPD) sa Taguig, Makati, Pasay, Parañaque, Muntinlupa, Las Piñas, at Pateros.
-AARON RECUENCO, MARY ANN SANTIAGO, at BELLA GAMOTEA