GINAPI ng Petrogazz ang BaliPure-National University, 25-23, 25-18, 25-14, para patatagin an gang kampanya na makausad sa semifinals ng 2018 Premier Volleyball League (PVL) Reinforced Conference Women’s Division nitong Sabado sa Filoil Flying V Centre sa San Juan.

Pinangunahan ni Anastasia Trach ang ratsada ng the Angels para hilahin ang bentahe sa 22-11 tungo sa straight set win.

“Inaral natin yung laban so nakuha natin in straight sets,” pahayag ni coach Jerry Yee.

“They stuck to the gameplan. Medyo wala silang first ball kaya medyo nadalian tayo sa kanila,” aniya.

May cash incentives din; Karl Eldrew Yulo, tumanggap ng ₱500K mula kay Chavit!

Kumana ang Ukranian na si Trach ng 17 puntos, tampok ang 15 kills para sa ikalawang sunod na panalo ng PetroGazz matapos ang kabiguan sa quarterfinals stage.

Nanguna sa BaliPure-NU si Janisa Johnson na may 14 puntos.

Ratsada naman si Kia Bright sa krusyal na panalo ng BanKo-Perlas, 25-19, 25-14, 25-22, laban sa Pocari Sweat-Air Force.

Pinangunahan ng American ang matikas na pagbangon ng Perlas Spikers mula sa 20-13 paghahabol tungo sa panalo.

“Ang dami naming binigay na free points nung third set. Nagbigay kami ng service errors and unforced errors at nawala yung reception,” sambit ni coach Dong dela Cruz.

“Sinabi ko sa kanila na pag inabot namin ng 18, may pag-asa pa kami manalo. Ganun nga ang nangyari at lumampas pa kami.”

Nag-ambag sina Jutarat Montripila ng 16 puntos at 14 spikes, dalawang service aces at isang block, habang tumipa si Amy Ahomiro ng 10 puntos.

Tangan ng BanKo-Perlas ang 2-0 karta, habang bagsak ang Pocari Sweat-Air Force, pinangunahan ni Arielle Love na may 14 puntos, sa 2-1.