NITONG nakaraang linggo, nakita natin ang larawan ng mga bata mula sa pamilyang nakatira sa gilid ng creek ng Estero de Magdalena sa Tondo, Manila, na tumutulong sa pangongolekta ng mga nakabarang basura sa daluyan ng tubig, kasabay ng pagbabaha sa maraming lugar sa Metro Manila dulot ng malakas na ulan. Ngunit hindi talaga ito trabaho ng mga bata; tungkulin ito ng mga empleyado at opisyal sa lungsod.

Bukod dito, hindi ito ligtas na trabaho para sa kanila. Sa tuwing bumabaha, pinapaalalahanan ng mga health officials ang publiko sa panganib ng paglusong sa baha dahil sa impeksiyon ng leptospirosis na maaaring makuha sa mikrobyo mula sa maruming tubig. Ngunit heto ang mga bata na halos nakahubad na lumulusong sa malalim na tubig habang palutang-lutang ang mga basura.

Subalit ang tunay na problema sa Metro Manila ay ang basura at ang dumi sa mga imburnal na dumadaloy hindi lamang sa panahon ngayon kundi sa buong taon sa pamamagitan ng maraming daluyan ng tubig na dumidiretso sa ilog Pasig at papunta sa Manila Bay. Lumalala ito tuwing umuulan, tulad nitong nakaraang linggo, ngunit panahon man ng tag-ulan o hindi, patuloy ang pagdaloy ng polusyon sa Pasig papunta sa look.

Kasunod ng isinampang reklamo ng isang residente, naglabas ng desisyon ang Korte Suprema noong 2008 na nag-uutos sa 13 ahensiya ng pamahalaan, sa pangunguna ng Department of Environment and Natural Resources (DENR), “to clean up, rehabilitate and preserve Manila Bay.” Binigyan ng korte ng kanya-kanyang tungkulin ang 13 ahensiya. Kasama rito ang Department of Interior and Local Government (DILG) na inutusang na makipagtulungan sa mga lokal na pamahalaan na malapit sa Manila Bay—mula Bataan, Pampanga, Bulacan, hanggang Metro Manila at Cavite—para sa hangaring ihinto ang pagtatambak ng basura at mga dumi ng mga pabrika sa mga sapa at ilog na dumadaloy sa Pasig at iba pang mga ilog papunta sa Manila Bay.

Tsika at Intriga

Marc Nelson, nagsalita matapos madawit sa legal battle nina Maggie Wilson-Victor Consunji

Kamakailan lamang ay isinara ng pamahalaan ang isla ng Boracay dahil sa pagiging ‘cesspool’ nito, mula sa paglalarawan ni Pangulong Duterte. Tiyak na hindi nito kayang ipasara ang Metro Manila at ang mga bayan at lungsod na nagdudulot ng polusyon sa Manila Bay, ngunit dapat na maihinto nito ang pagpapatuloy ng polusyon sa lugar.

Nagsimula na ang tag-ulan sa bansa at ang mga sapa at makikipot na kalsada sa mga iskuwater na lugar ay lubos na maapektuhan ng pagbaha higit saan mang bahagi ng Metro Manila. Kung kinakailangan ang paglilinis, umaasa tayo na hindi na kakailanganin pa ng mga ahensiya ng pamahalaan ang tulong ng mga bata.

Ngunit ang mas mahalaga, ito na ang panahon para sa pagbuo ng isang komprehensibong plano upang linisin ang Manila Bay. Sampung taon na ang nakalilipas, taong 2008, mula nang ilabas ng Korte Suprema ang desisyon at ang kautusan nito ngunit tila walang nangyayari tungkol dito.