ILANG buwang walang project ang singer-actor na si Mark Oblea pagkatapos ng seryeng My Dear Heart, kaya aminado siyang naging malungkot at nakaranas ng depression.

Mark Oblea copy

Breadwinner kasi siya kaya sobra niyang inisip kung paano niya itataguyod ang kanyang pamilya kung wala siyang projects.

“Kasi nagpapaaral ako ng kapatid kong bunso. ‘Yung pagkain nila sa bahay, ‘yung mga bills, ‘yung bahay na binabayaran ko. So, talagang nag-overthink ako,” kuwento ni Mark.

Tsika at Intriga

Marc Nelson, nagsalita matapos madawit sa legal battle nina Maggie Wilson-Victor Consunji

“Good thing na marami akong shows out of town, so sinagip ako ng mga show na ‘yun habang wala akong regular show pa,” pag-amin ng binatang singer.

At dahil sa mga problemang kinaharap niya ay tinanong namin siya nang diretso kung hindi niya naisip gumawa ng hindi maganda sa sarili niya.

“No! Never sumagi sa isip ko na tapusin ang buhay ko. Okay lang mag--inom ako, after that wala na. At saka idinadaan ko kasi lahat sa prayers. Hindi man ako regular na nagsisimba pero hindi ako nakakalimot na magdasal, kinakausap ko talaga si God as friend. Kapag may nadadaanan akong simbahan, nagdarasal ako,” kuwento ng binata.

At dahil nakaranas na si Mark ng matinding depression, ano ang maipapayo niya sa mga nakakaranas nito ngayon, lalo na sa mga millennial.

“Siguro, pinagdadaanan ninyo ‘yan for a reason, kasi hindi ibibigay sa inyo ang ganyang problema kung hindi ninyo kakayanin. So, maybe it’s just a God’s test for you para sa heart n’yo kung papaano ninyo iha-handle ito.

“Kapit lang kasi may reason ‘yan. Everything has a reason, kumapit ka lang at magtiwala sa proseso, kasi minsan hindi mo alam na kailangan mong pagdaanan lahat para mapunta ka sa magandang estado ng buhay mo.

“What doesn’t kill you makes you stronger, totoo ‘yun. Kaya habang pinagdadaanan n’yo ‘yan, embrace ninyo ‘yung pain, tapos mag-trust kayo at magdasal kayo, and eventually, everything’s will be alright,” mahusay na paliwanag ni Mark.

Pero ngayong 2018 ay maraming magagandang nangyayari sa career ni Mark, dahil kinuha siya ng Universal Records at ang unang single niya ay Langit ‘Pag Nandiyan, na sinulat ni Eunice Jorge, lead vocalist ng Gracenote, at produced naman ni Ito Rapadas (dating frontman ng Neocolors).

Base sa data ng Universal Records ay malakas sa Apple Music, iTunes, Amazon, Deezer at Spotify ang nasabing first single ni Mark.

Binuhay din ni Mark ang awiting Tabi, na orihinal na OPM song ng bandang Paraluman noong 2008, at ini-release ito ng Universal Records sa online. Nagulat na lang ang lahat dahil sa loob lang ng tatlong linggo ay umabot na ito sa 200,000 hits sa Spotify. Kasama rin ito sa playlist ng Men of OPM, OPM Chillax, Acoustically OPM at Pinoy Covers.

Nabanggit din ni Mark na siya ang kakanta ng isa sa theme songs ng pelikulang Bakwit Boys, na produced ng T-Rex Productions. Fiona ang title ng song.

“Sobrang natutuwa po ako kasi first time kong makakanta ng isa sa theme song ng pelikula. Sana magtuluy-tuloy na (ang blessings),”saad ng binata.

At para mas lalong makilala ang awiting Langit ‘Pag Nandiyan ay isinama si Mark sa mall shows ng Universal artists.

“May mall show po ako at radio shows, online shows din. Kinuha po akong front act for Spongecola, The Dawn sa Eastwood sa June 19,” kuwento ni Mark.

May cameo role rin si Mark sa indie film na Amats, na idinirihe ni Dondon Santos, at entry sa Pista ng Pelikulang Pilipino sa Agosto.

Kasama rin si Mark sa teleserye nina Joshua Garcia at Julia Barretto, na hindi pa puwedeng banggitin ang titulo, at ayaw ding sabihin ni Mark kung ano ang papel niya.

“Hindi po ako kontrabida, sabihin na lang natin na isa ako sa community. May gagawin din po sana akong movie, kaso hindi umubra ‘yung schedule kasi nasabay po sa taping ng bagong teleserye,” kuwento pa ni Mark.

-REGGEE BONOAN