Pumalag ang gobyerno ng Pilipinas sa pahayag kamakailan ng China na pinapayagan nila ang mga Pilipinong mangingisda sa Panatag Shoal bilang pagpapakita ng “goodwill”.

“No we don’t accept that,” sinabi ni Foreign Affairs Secretary Alan Peter Cayetano nitong weekend sa gitna ng mga batikos na pinapayagan ng gobyenro na i-bully ng mga Chinese ang mga mangingisdang Pinoy sa Panatag.

Sinabi ni Cayetano na kahit na “on record” ang pagtutol ng gobyerno pinili nilang gumamit ng diplomasiya “because we want to look at the totality of our relationship.”

“They know that we don’t (agree). Okay? But why did they say it? They said it because when President Xi and President Duterte talked, ano [ang] sabi noong dalawang leaders? It’s very hard for us or impossible to go beyond our stand,” aniya.

Empleyadong lasing, patay matapos sapakin ng ginising na katrabaho

Iginiit niya na pinaninindigan ng Pilipinas na ‘sa atin’ ang Panatag at ito rin ang posisyon ng China.

Sa pahayag nitong nakaraang linggo, sinabi ni Chinese Foreign Ministry Spokesperson Geng Shuang na nagbigay ang China ng “appropriate arrangement” para makapangisda ang mga Pinoy sa Panatag bilang pagpapakita ng kabutihang loob.

TABLAHIN

Hinimok kahapon ni Senador Richard Gordon ang gobyernong Duterte na palakasin ang kakayahang militar ng bansa para hindi kinakaya-kaya ng China at ng iba pang nasyon ang Pilipinas.

Sinabi ni Gordon na panahon na para serysohin ng gobyerno ang pagsisikap na mapabuti ang defense at security assets ng bansa upang maipaabot ang mensahe na hindi basta-basta ang puwersa ng Pilipinas.

“They can easily intimidate us knowing we have nothing to prove. I suggest that we should have some kind or level of deterrence. Let us show that we also can stand up against anything,” ani Gordon sa panayam ng Radyo DZBB.

“Dapat may panabla man lang tayo. Ipakita natin na kaya rin natin manindigan,” dagdag niya.

INTERESADO SA LANGIS

Kamakailan ay sinabi ni Pangulong Duterte na interesado ang China na maghanap ng oil resources para isulong ang industrial development nito sa gitna ng kontrobersiyal na presensiya ng Asian superpower sa West Philippines Sea.

Ito ang obserbasyon ng Pangulo habang tinatalakay ang gawain ng mayayamang bansa na kumuha ng oil resources saan mang panig ng mundo para palakasin ang kanilang industriyalisasyon.

“It’s really the resources, eventually it’s geopolitics. China with all of its whatever, posturing there, is also interested in oil. So lahat ‘yan because it fuels industrialization,” sinabi ni Duterte sa pagdiriwang ng Eid’l Fitr, ang pagtatapos ng Ramadan ng mga Muslim, sa Davao City nitong Sabado.

-ROY C. MABASA, HANNAH L. TORREGOZA, LEONEL M. ABASOLA, at GENALYN D. KABILING