“MARUNONG ka bang kumanta?”
“Hindi po.”
“Marunong kang umarte?”
“Hindi po.”
“Anong alam mo?”
“Magpapangit po ng mukha.”
Iyan ang naging palitan ng usapan sa audition ng phenomenal star na si Maine Mendoza sa Eat Bulaga noong June 19, 2015, sa panahong unti-unti na siyang nakikilala bilang Dubsmash Queen.
Gayunman, opisyal na tinanggap si Maine ng longest-running noontime show, at noong July 16, 2015 nga isinilang ang AlDub love team nila ni Alden Richards.
Sinabi ni Maine na hindi siya marunong kumanta pero siya ang gumawa ng lyrics ng naging theme song ng first solo movie nila ni Alden, ang Imagine You & Me, na naging blockbuster hit noon. Si Maine rin ang nag-record nito at naging first single niya, pero hanggang sa Eat Bulaga lang iyon.
At nang ang mga Dabarkads na ang naging ka-duet ng Broadway Boys, na produkto rin ng EB, na sina Joshua Lumbao, Joshua Torino, Benedict Aboyme at Francis Aglabtin, wala nang lusot si Maine, at nagtanghal na siya kasama ang grupo nitong Sabado.
Una nang nagtanghal ang Broadway Boys kasama sina Senator Tito Sotto, Allan K, Alden, Wally Bayola, Joey de Leon, Paolo Ballesteros, at si Maine nga last Saturday.
Hindi puwedeng magsabi si Maine na hindi siya marunong kumanta, dahil may boses naman siya. Kulang lang siya sa lakas ng loob.
Bago ang performance ay sunud-sunod ang post ni Maine: bandang 6:00 AM ng Saturday ay nag-post siya na ninenerbiyos na siya.
At bago siya isinalang sa Dabarkads Concert Series with the Broadway Boys, nag-tweet siya ulit ng “OMG grabe thank you guys! Sana magustuhan nyo pero sana hindi nyo ako itakwil kapag nagkalat ako. Lolz.”
Siyempre pa, suportado si Maine ng Dabarkads. Nanood sa kanya sina Vic Sotto, Joey, Allan, Alden, Pia Guanio, Pauleen Luna, Luane Dy, Ryzza Mae Dizon at Baeby Baste. Dumating din sina Jose Manalo, Paolo, at Wally mula sa “Juan for All All For Juan” sa barangay, with Anjo Yllana.
Bagay na bagay sa boses ni Maine ang mga songs ng Carpenters na kinanta nila ng Broadway Boys: Close To You, Top of the World, We’ve Only Just Begun, at Yesterday Once More. At tulad ng introduction ni Joey na may “plus” daw na gagawin si Maine, tumugtog siya ng iba’t ibang klase ng drums, na natutunan daw niya sa panonood lamang niya ng video.
Pagkatapos kumanta, napaluhod si Maine sa pasasalamat, lamig na lamig daw kasi ang pakiramdam niya sa nerbiyos.
Nag-tweet siya muli ng “Nairaos!!!!” Sinundan niya ito ng isa pang tweet: “Wala ako masabi. My heart is just so happy. Thank you Lord! Thank you guys for making me feel loved always esp today. Kinailangan ko ng lakas ng loob ngayon (lalo na sa drums susmadre lagi ako napapasubo lol).”
Nag-trending pa ang hashtag na #MaineSingsWithBWBoys, na hanggang sa umeere ang EB ay naka-one million tweets na kaagad. Number one ito sa Philippine trends, at number three worldwide.
-NORA V. CALDERON