Umabot sa 598 katao ang hinuli ng awtoridad sa paglabag sa ordinansa, sa magdamag na operasyon sa katimugang bahagi ng Metro Manila.
Ayon kay Southern Police District (SPD) director, Chief Supt. Tomas Apolinario, Jr., saklaw ng operasyon ang Taguig, Makati, Pasay, Parañaque, Muntinlupa, Las Piñas City at Pateros na sinimulan dakong 10:00 ng gabi-5:00 ng madaling araw kahapon.
Sa naturang bilang, nasa 116 na indibiduwal ang nahuling nag-iinuman sa kalye; 25 ang nakahubad baro; 301 ang nasagip na menor de edad; siyam ang naninigarilyo sa pampublikong lugar; dalawang illegal barker; at isa naman ang naaktuhang umiihi sa bangketa.
Agad na dinala ang mga kabataan sa tanggapan ng Department of Social Welfare and Development (DSWD), upang isailalim sa counseling at ipinasundo sa kani-kanilang magulang.
I s i n a i l a l i m naman s a beripikasyon at dokumentasyon ang mga nahuling nag-iinuman sa kalye at ang mga lalaking nakahubad baro.
Samantala, nasa kabuuang 144 na tambay naman ang binitbit sa presinto sa “Oplan Tambay” sa Maynila at Navotas City sa nakalipas na 24 oras.
Sa ulat ng Manila Police District (MPD), ipinatupad ang Oplan Tambay sa Sta. Cruz, na nagresulta sa pagkakadakip sa 46 na katao, simula 9:00 ng gabi-3:00 ng madaling araw, kahapon.
Pitumpu’t lima ring tambay ang dinakma habang nakatambay sa Road 10, sa Aroma, Happyland, at Smokey Mountain, sa Tondo.
Isinailalim sa beripikasyon ang mga inaresto at pinauwi rin ang mga napatunayang walang criminal record.
Bella Gamotea, Mary Ann Santiago,
at Orly L. Barcala