Ni ADOR SALUTA
IPINAGHARAP ng reklamo ng isang Grab driver si Diego Loyzaga dahil sa pang-aaway at pagwawala umano nito sa kalsada nitong Biyernes ng madaling araw.
Ayon sa driver na nakilala sa pangalang Ronel, nagbaba siya ng pasahero sa Taft Avenue sa Malate nang biglang sumulpot ang convoy ng isang sasakyan at isang motorsiko.
“Bigla na lang silang bumulusok, bineat pa nga nila ‘yung red light, eh. Tapos biglang tumalon itong artistang si Diego Loyzaga, at nanlilisik yung mata, lasing na lasing. Pagewang-gewang, eh,” kuwento ng driver sa TV Patrol.
Binato at tinadyakan pa umano ni Diego ang sasakyan ng driver, kaya lumuwang ang bumper nito.
Nakuhanan din ng video ng driver ang pag-awat ng mga kasamahan ni Diego sa aktor, at maging ang pagkatok nito sa bintana ng driver’s seat. Ayon sa driver, dahil sa nangyari ay natakot ang kanyang pasahero.
After mapanood ang bersiyon ng driver, ipinalabas din sa TV Patrol ang buwelta naman ni Teresa Loyzaga, mother ni Diego, laban sa Grab driver.
Ayon kay Teresa, at batay na rin umano sa paunang imbestigasyon, matulin ang takbo ng Grab driver at bigla na lang umanong sumingit sa daraanan ng sasakyan ng grupo ni Diego kaya muntikan na raw magkaroon ng banggaan.
“This taxi appeared from nowhere. He was reckless on the road and buti na lang naiwasan siya ng driver ni Diego, at hindi sila nabunggo, pero nabangketa siya at buti hindi tumaob,” sabi ng Teresa.
Tulog din umano si Diego nang mangyari ang lahat, ayon kay Teresa, kaya gayun na lang ang reaksiyon nito.
“Given he was asleep in the car nung tumalembang ang kotse, nagulantang ang Diego. Natural...” depensa pa ni Teresa.
Hindi rin daw totoong namato at nanadyak si Diego ng sasakyan ng driver, at sa halip ay sinubukan pa umano ng aktor na kausapin ang driver, at nakita naman umano sa video ang kagustuhan nitong makipag-usap sa driver.
“Ang bilis niya masyado mag-accuse. Huwag niyang gagawan ng istorya ‘yung anak ko. Ang totoong istorya is mali siya. Muntik siyang maka-cause ng aksidente at kung nangyari ‘yun maaari niyang napatay ang anak ko,” sabi pa ni Teresa.