IKINALUGOD ni Philippine Sports Commission (PSC) commissioner Celia Kiram ang matagumpay na pagsasagawa kamakailan ng Philippine Women’s Congress sa Century Park Hotel.
Sinabi ni Kiram na isang matagumpay na pagsasama-sama ng mga kababaihan buhat sa iba’t ibang sektor ng lipunan upang palawigin ang lakas ng pagkakaisa sa larangan ng sports at pagiging lider sa pamayanan.
“It was a very successful Congress. So definitely uulitin natin ito next year,” pahayag ni Kiram.
Aniya, naatasan na isama sa susunod na Women’s Congress ang mga nakatatanda o mga elderly na handa pa rin na mag lingkod sa bayan, mga kababaihan buhat sa marginalized sectors at limang iba pang sektor ayon na din sa isinasaad ng Magna Carta on Women.
Naging panauhing pandangal sa nasabing Congress si Ilocos Sur Representative Imee Marcos na nagpahayag na ito na ang tamang panahon upang manaig ang kababaihan sa iba’t ibang larangan.
Dumalo rin upang pasinayaan ang nasabing Congress si Bacoor Mayor Lani Mercado habang naging tagapagsalita naman ang Switzerland based speaker na si Gabriella Mueller. (Annie Abad)