Hindi dapat gawing hostage ng pamahalaan ang libreng edukasyon sa kolehiyo, dahil kaya itong gastusan ng pamahalaan kahit walang Tax Reform for Acceleration and Inclusion (TRAIN) Law.
“May iba namang pagkukunan ang gobyerno ng budget. Sa totoo lang, malaki pa ang hindi nagagamit na pondo,” sabi ni Senator Bam Aquino. “Bakit kailangang i-hostage ang libreng kolehiyo?”
Ito ang naging reaksiyon ng senador sa pahayag ng pamahalaan na maaapektuhan ang libreng edukasyon sa kolehiyo kapag sinuspinde ang TRAIN Law
Ayon kay Aquino, may sapat na pondo ang pamahalaan para sa tuluy-tuloy na implementasyon ng libreng edukasyon sa kolehiyo, kahit mawala pa ang inaasahang P70 bilyon kapag ini-rollback ang excise tax sa produktong petrolyo, sa ilalim ng TRAIN Law.
Sinabi pa ni Aquino na mayroon pang underspending, o ang nakalaang pondo na hindi nagamit ng mga ahensiya ng pamahalaan, na umabot sa P390 bilyon noong 2017. Ang budget para sa libreng edukasyon sa kolehiyo ay nasa P41 bilyon para sa 2018. (Leonel M. Abasola)