WINALIS ng PLDT ang Philippine Army, 25-14, 26-24, 25-20, kahapon sa quarterfinals ng Premier Volleyball League 2 Reinforced Conference men’s division sa Filoi Flying V Center sa San Juan City.

Dahil sa panalo, nakamit ng Ultra Fast Hitters ang maagang pamumuno sa playoffs taglay ang malinis na markang 2-0.

Umiskor ng 10 puntos si Johnvic de Guzman at tig-9 na puntos naman sina Kheano Franco at Mark Gil Alfafara para pamunuan ang panalo ng PLDT sa single round quarterfinals kung saan pinaglalabanan ang huling dalawang semifinals berth.

Nauna ng nag-qualify sa semis ang top two finishers noong elimination round na Cignal HD Spikers at Vice Co. Blockbusters.

'Pikon daw?' UAAP fan na nag-dirty finger, agaw-eksena sa San Juan Arena!

Lamang sa lahat ng departamento ang Ultra Fast Hitters ngunit hindi naman gaanong malaki ang kanilang agwat partikular sa hits, 37-34, blocks, 7-5, aces, 3-2, digs, 31-27 at receptions, 37-34.

Ngunit, naging malaking bentahe para sa PLDT ang kakaunting unforced errors na 17 kumpara sa 29 ng Troopers

Dahil sa kabiguan, nalaglag ang Troopers sa ilalim ng standings taglay ang 0-2 karta. (Marivic Awitan)