Hindi na makapanloloko ang isang pulis-Quezon City na sangkot umano sa pyramiding scam, na ang binibiktima ay mga pulis at guro sa Metro Manila, nang arestuhin sa bahay nito sa West Crame, Quezon City.
Hindi na nakapalag si SPO1 Honorio Negrito, 52, nakatalaga sa Cubao Police Station, nang bulagain ng mga tauhan ng Criminal Investigation and Detection Unit (CIDU) ng Quezon City Police District (QCPD) sa kanyang bahay sa No. 72, Road 2, West Crame, sa Quezon City, nitong Huwebes ng hapon.
Ang pag-aresto kay Negrito ay sa bisa ng warrant of arrest, na inilabas QC Regional Trial Court Branch 100 Judge Edith Mina-Aguba, para sa kasong 10 counts ng estafa.
Nasa P400,000 ang piyansang ipinagkaloob ng hukuman para sa pansamantalang paglaya ng pulis.
Sa panayam sa tatlong nabiktima ni Negrito, na nakatakda ring maghain ng karagdagang kaso, halos P500,000 ang ibinigay nilang investment kay Negrito kapalit ng pangakong malaki ang tutubuin ng kanilang pera, ilang taon na ang nakalilipas.
Isang beses lamang umano sila nakatanggap ng interest ng kanilang pera at nang magdesisyong bawiin ang kanilang ipinuhunan ay hindi na nila mahagilap si Negrito.
-Jun Fabon