LABIS na kalungkutan ang naramdaman ng mga talent handler at road manager sa Star Magic nang pormal nang magpaalam sa kanila si Rayver Cruz makalipas ang 17 years.
Nitong Huwebes ay nagpaalam na sa Star Magic si Rayver, na ikinagulat ng lahat dahil walang nag-akalang lilisanin ng aktor ang “bahay” na kinalakihan nito.
Sinabi ng handler ni Rayver na si Luz Bagalacsa na sobrang nalungkot siya.
“Mare, 17 years kong alaga si Rayver. Panganay ko ‘yan, eh. Ni minsan hindi ako binigyan ng problema o sakit ng ulo. Sobrang bait na bata kaya naiiyak ako,” kuwento sa amin ni Luz.
“Eh, wala naman akong magagawa kasi ang paalam niya bread winner siya, kailangan niyang mag-ipon para rin sa future niya. Mag-aasawa na kasi si Rodjun (Cruz) next year, so technically solo na niya. Maganda raw ang offer sa kanya sa kabila kaya wala kaming magawa maski na pinigilan namin,” dagdag pa.
Maging sina Mr. M (Johnny Manahan) at Ms Mariole Alberto ay nabigla rin na nagpaalam sa kanila si Rayver.
Nabanggit din sa amin na sinubukan pa nina Ms Cory Vidanes (ABS-CBN Chief Operations Officer) at Direk Laurenti Dyogi (ABS-CBN Entertainment Production head) na pigilan si Rayver, pero wala na rin silang nagawa. Nag-wish na lang sila ng good luck para sa aktor, at any time ay bukas pa rin naman ang pintuan ng ABS-CBN para sa kanya.
Halos lahat ng nakausap naming TV executive ng ABS-CBN at mga staff and crew na nakatrabaho ni Rayver ay iisa ang komento sa kanya.
“Napaka-professional. Walang reklamo, hindi pasaway, sobrang bait at magaling na artista,” sabi nila.
Sabi ng isa pang executive, nanghihinayang siya sa pag-alis ni Rayver sa Dos.
“I just hope lang na i-sustain ng GMA. Ang daming lumipat na sa simula lang maganda pero ‘di naman sinustain. Siyempre, happy ako kay Rayver. Sobrang bait ng bata at talented. Baka lang kasi maging Martin del Rosario at saka ‘yung isa na dating PBB (Matt Evans). Well, okay lang naman kung titingnan niya ay kikitain dahil kaya nga siya nagtrabaho. Pero ‘yung reach ng ABS kasi worldwide.”
Hirit namin, naging praktikal lang siguro si Rayver kaya niya tinanggap ang offer ng GMA 7, dahil nga malaki ito at makakabuhay ng pamilya. At higit sa lahat, kailangan na rin ng binata na magpatayo ng sarili niyang bahay dahil hanggang ngayon ay nakatira pa rin siya sa bahay ng nanay niya kasama ang ibang kapatid.
Ang tanong, tatapusin ba ni Rayver ang Bagani, o graceful exit na lang siya?
Base naman sa nakausap namin ay ipinakiusap pa raw kay Rayver na tapusin ang Bagani hanggang Agosto, pero hindi sila masagot ng aktor dahil nga baka simulan na rin niya ang bagong teleseryeng ibibigay sa kanya ng Kapuso network.
Samantala, nang malaman ng fans at ibang kasamahan namin sa trabaho na lilipat na si Rayver sa GMA ay iisa ang tanong sa amin: Paano na ang Bagani?
Oo nga, hindi rin kami makasagot, dahil hindi pa rin namin nakakausap ang aktor. Sana nga ginawa man lang siyang isa sa mga Bagani, baka siguro hindi pa naisipan ni Rayver na umalis ng ABS-CBN.
Naging loyal si Rayver sa ABS-CBN sa loob ng 17 years, at sabi nga ng lahat ay maayos siyang katrabaho at talented, pero hindi naman naging sapat ang mga katangian niyang ito para tutukan siya ng network.
-REGGEE BONOAN