PATULOY sa kanilang pagbibigay karangalan sa bansa ang Philippine Canoe Kayak Dragon Boat National Team matapos nilang magwagi gold at bronze medal sa 2018 Beijing International Dragon Boat Invitational Tournament kamakailan sa China.

Hinati sa dalawa ang 28-man Filipino dragon boat crew sa pagsali nila sa small boat 500 meter mixed team category ng kompetisyon.

Ang Philippine Team A ang nagwagi ng gold medal makaraang maorasan ng dalawang minuto at 13.13 segundo. Napagitnaan nila ang host China na naorasan ng 2 :16.60 kasunod ang Philippine Team B na tumapos sa oras na 2:21.28.

Ayon kay national team coach Leonora Escollante sa kanyang social media account, ito ang unang pagkakataon na lumahok ang Philippine Canoe Kayak Dragon Boat team sa Beijing International Dragon Boat Tournament.

Dalawang Pinoy mountaineers, sumakses sa tuktok ng Mt. Everest

Kabilang sa mga nakatunggali ng mga Pinoy paddlers maliban sa host China ay ang mga entries mula, Russia, Taiwan at Ukraine.

“Hindi namin inaasahan na makakapasok yung dalawang teams natin sa finals kasi mahigpit yung laban sa eliminations at sa semis, “ pahayag ni team leader Henry Macaranas.

Ang serye ng kompetisyon sa China ay bahagi ng paghahanda ng koponan para sa darating na Asian Games sa Agosto sa Indonesia.

-Marivic Awitan