Mga Laro Ngayon

(MOA Arena)

4:30 n.h. -- Phoenix vs Rain or Shine

6:45 n.h. -- San Miguel Beer vs. TNT

'Pikon daw?' UAAP fan na nag-dirty finger, agaw-eksena sa San Juan Arena!

PATIBAYIN ang kapit sa liderato para sa asam na isa sa top 2 spots na may kaakibat na outright semifinals berth ang tatangkain ng namumunong Rain or Shine sa pagpapatuloy ngayon ng 2018 PBA Commissioners Cup sa MOA Arena sa Pasay.

Hawak ang markang 7-1, patatatagin ng Elasto Painters ang kanilang pamumuno sa pagsagupa nila sa Phoenix sa unang laro ngayong 4:30 ng hapon.

Kasunod nito ay magtutuos naman ang nakaraang taong finals protagonists San Miguel Beer at TNT Katropa ganap na 6:45 ng gabi.

Huling tinalo ng Rain or Shine ang Blackwater sa nakaraan nilang laban sa pamamagitan ng came from behind 104-94 na panalo.

Sa kabilang dako, sisikapin naman ng Fuel Masters na makaahon sa kinahulugang tatlong dikit na kabiguan, pinakahuli noong nakaraang Hunyo 10 sa kamay ng Columbian Dyip sa iskor na 107-115 na nagbaba sa kanila sa barahang 3-6.

Sa tampok na laro, naghahabol din sa top 2, magkukumahog na makabangon mula sa natamong huling kabiguan sa kamay ng Magnolia ang Katropa sa pagharap nila sa Beermen na gaya nila ay galing din sa kabiguan sa nakaraan nilang laro.

Dahil sa 89-11 na kabiguan sa Hotshots noong Miyerkules, bumagsak ang TNT sa third spot hawak ang 6-2 na rekord habang nalaglag naman sa 3-4 na kartada ang Beermen sanhi ng 94-98 na kabiguan sa Globalport Batang Pier.

Bagamat, lumabo sa tsansa nila sa top 2, pinanghahawakan ng Beermen ang buhay pa ring pag-asa na makapuwesto na no. 3 o 4 patungo sa playoff round.

“Ang maganda nito, dikit-dikit ang standings, so puwede pa kaming humabol sa 3 or 4. Pero siyempre kailangan naming ayusin ang laro namin lalo na sa defense, “ pahayag ni Beermen veteran forward Arwind Santos.

-Marivic Awitan