Pinagkatuwaan ng mga netizens ang Presidential Communications Operations Office (PCOO) dahil sa isa na naman nitong kontrobersiyal na Facebook post kamakailan, nang magkamaling tawaging “Norwegia” ang bansang Norway.

Sa photo gallery ng Facebook account ng PCOO tungkol sa pakikipagpulong ni Pangulong Duterte kay outgoing Norwegian Ambassador to the Philippines Erik Forner, tinukoy ang envoy bilang “representative of Norwegia.”

Kaagad namang idinagdag ng mga netizens ang “fictional country” sa kanilang travel bucket list, habang inakusahan naman ng ilan ang gobyerno ng Pilipinas ng pag-iimbento ng geography.

Binatikos din ng ilang netizens ang PCOO sa nasabing pagkakamali sa kabila ng aabot sa P1.38 bilyon ang budget nito ngayong 2018, tumaas ng 4.6% sa budget nito noong 2017.

Matapos maligwak ang request: Paolo Duterte, pumayag manatili si VP Sara sa kaniyang opisina

Bagamat kaagad na in-edit ng PCOO ang nasabing caption sa post, marami nang netizens ang nakapag-screenshot nito. Paliwanag naman ni PCOO Undersecretary for Media Lorraine Badoy, typographical error lang ang nangyari.

“We’ve brought shame and destruction to this country—how unforgivable. A typo. And from a department that has transformed the government communication system so that MILLIONS of Filipinos are in direct link with the government— where before they never felt the presence of government in their lives,” depensa ni Badoy, at idinagdag na kakarampot ang budget ng kanyang tanggapan kumpara sa ibang ahensiya ng gobyerno.

Ilang beses nang naging kontrobersiyal ang PCOO dahil sa mga pagkakamali nito sa social media posts, kabilang na ang grammatical errors sa ID ng mga mamamahayag sa Malacañang; ang paglalabas ng transcription ng panayam sa radyo ni “President Duterte” na isa palang impersonator; at ang pagti-tweet ng “fafda”, na naging local trending topics pa sa Twitter.

-Argyll Cyrus B. Geducos