ANG Panatag Shoal, na kilala rin sa lokal na tawag na Bajo de Masinloc at sa daigdig na Scarborough Shoal, ay laman na naman ng balita matapos lumabas ang pahayag ng ilang Pilipinong mangingisda hinggil sa pagkuha ng mga Chinese Coast Guard sa mga nahuli nilang isda nitong nakaraang buwan.
Matatagpuan sa layong 230 kilometro ng kanluran ng Zambales, isa itong paboritong pangisdaan ng mga mangingisda mula sa iba’t ibang nasyon sa nakalipas na mga panahon. Noong 2012, nagdulot ito ng sigalot sa ugnayan ng Pilipinas at China nang tangkaing hulihin ng tropa ng Pilipinas ang isang barkong pangisda ng China sa lugar hanggang sa magharap sa loob ng dalawang buwan ang barko ng magkabilang bansa, bago ipag-utos ni Pangulong Benigno S. Aquino III ang pag-alis ng barko ng Pilipinas upang tapusin ang standoff. Ngunit nanatili ang barko ng China—hanggang sa ngayon.
Ito ang insidenteng nag-udyok sa Pilipinas upang magsampa ng kaso sa Arbitral Court sa The Hague noong 2014, na nagbasura sa pag-angkin ng China sa halos lahat ng parte ng South China Sea noong 2016. Para sa Panatag, inihatol ng Korte na dahil matagal na itong lugar na pangisdaan ng mga mangingisda mula sa iba’t ibang bansa—China, Pilipinas, Vietnam at iba pa—mananatili ito sa ganoong sitwasyon.
Nitong Lunes, nagprotesta ang mga mangingisda sa harap ng embahada ng China sa Makati hawak ang mga karatula na nagsasabing, “I can’t fish in our own seas.” Hindi teritoryo ng Pilipinas ang Panatag ngunit kabilang ito sa 300-km Exclusive Economic Zone sa ilalim ng United Nations Convention on the Law of the Sea (UNCLOS), na nagbibigay sa atin ng karapatan na magamit at mapakinabangan ang mga likas na yaman nito.
Gayunman, dahil naging tradisyunal nang pangisdaan ang Panatag para sa mangingisda ng maraming nasyon, iniutos ng Arbitral Court na mananatili ito.
Salungat sa lahat ng puntong ito, ang pag-angkin ng China sa karapatan sa halos lahat ng bahagi ng South China Sea, na itinatakda ng nine-dash loop na lumiliko sa Timog mula China malapit sa baybayin ng Vietnam, pababa sa dagat malapit sa Malaysia at Borneo, pataas sa Kanlurang baybayin ng ilang mga isla ng Pilipinas, at sa Hilaga kabilang ang Taiwan. Sa pagtingin ng China, ang South China Sea ay kanilang teritoryo.
Matagal nang pinangangambahan na magtayo ang China sa Panatag Shoal ng isang isla na may kumpletong paliparan at base militar tulad ng itinayo nito sa Paracels malapit sa Vietnam at sa Spratlys sa Kanluran ng Palawan. Kung magkatotoo, ang Panatag ang magiging tanda ng hangganan sa Silangang bahagi ng teritoryong inaangkin ng China.
Nasa panig natin ang UNCLOS, kasama ang hatol ng Abitral Court. Subalit hanggat ipinagpapatuloy ng China ang pang-aangkin nito ng karapatan para sa halos lahat ng bahagi ng South China Sea, ang problema sa Panatag at sa iba pang islang mayaman sa likas na yaman ay patuloy na uusbong.
Si Pangulong Duterte, na realistiko, ay mas pinili ang ‘policy of cooperation’ kasama ng China, na nagbigay daan sa mga kasunduan para sa napakaraming tulong para sa Pilipinas sa iba’t ibang paraan. Umaasa tayo na patuloy na mananaig ang mga taong may mabubuting hangarin sa magkabilang panig at maiwasan ang madugong komprontasyon sa Panatag.