LAGI ka bang nakalilimot ng mga bagay-bagay? Napag-alaman sa bagong pag-aaral sa China na maaaring kailangan mo lang ng mas maraming outdoor activity para malantad sa sikat ng araw upang mahasa ang iyong memorya.
Nadiskubre ng mga siyentista sa University of Science and Technology of China na ang moderate UV exposure ay nakapagpapatalas ng memorya at nakatutulong para mas madaling matuto, sa pamamagitan ng novel glutamate bio-synthetic pathway sa utak.
Ang nadiskubre ay inilathala kamakailan sa academic journal na Cell.
Sinabi ni Xiong Wei, lead scientist ng research, na ang bahagyang pagkakalantad sa araw ay may mga benepisyo, kabilang ang pagpo-promote ng synthesis ng vitamin D at lunas ng maraming sakit sa balat.
Napag-alaman din ng mga siyentista na maaapektuhan ng sunlight ang neural system. Maaaring makatulong ang bahagyang pagkakalantad sa araw para makaramdam ng sigla o kasiyahan ang isang tao, at ma-improve ang cognitive functions. Gayunman, hindi pa rin malinaw ang deep-level mechanism sa pagitan ng sikat ng araw at ng neural system.
Sa pagsasama ng research methods sa cell biology at neuroscience, nadiskubre ng mga mananaliksik na ang pagkakalantad sa araw ay maaaring makatulong nang malaki sa pagtaas ng content ng chemical substance, na tinatawag na UCA, sa dugo ng mga hayop. Pumapasok ang UCA sa nerve cells ng utak, at nagiging glutamic acid sa pamamagitan ng series ng bio-metabolic enzymes.
Ang glutamic acid ay inilalabas ng nerve endings ng motor cortex at hippocampus, ang brain region na mahalaga sa memorya at pagkatuto, ayon kay Xiong.
Ang pag-aaral ang magiging daan para maunawaan ang working mechanism ng utak at ng pathogenesis ng mga kaugnay na sakit.
PNA