Mamamahagi ang gobyerno ng cash subsidy sa mahihirap na pamilya at mamumudmod ng mga fuel voucher sa mga jeepney driver simula sa susunod na buwan upang maibsan ang matinding epekto ng bagong reporma sa buwis.

Ayon kay Presidential Spokesman Harry Roque, nasa P10 bilyon ang ilalaan sa unconditional cash transfer program ng pamahalaan para sa 10 milyong pinakamahihirap na pamilya sa bansa.

Isasapinal na rin ng gobyerno ang kabuuang halagang nakapaloob sa Pantawid Pasada Program, bagamat ikinokonsidera nila ang pamimigay ng P5,000 halaga ng fuel voucher sa mga tsuper ng jeepney, ayon kay Roque.

Ang nasabing financial assistance package na inihahanda ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) at ng Department of Transportation (DOTr) para sa mga sektor na labis na naaapektuhan ng Tax Reform for Acceleration and Inclusion (TRAIN) Law, ay tinalakay sa huling pakikipagpulong ni Pangulong Rodrigo Duterte sa kanyang Gabinete nitong Lunes.

National

50.78% examinees, pasado sa Nov. 2024 Licensure Exam for Agriculturists

“Nagkaroon po ng anunsiyo ang DSWD at saka DOTr, tungkol ito po doon sa mga hakbang na ginagawa natin para maibsan iyong epekto ng TRAIN,” sinabi ni Roque sa press briefing sa Palasyo kahapon.

“At ang sabi po ng DSWD, ‘yung unconditional cash transfer, para po sa sampung milyong pinakamahihirap na mga Pilipino ay mabibigay nang buong-buo by July of this year. Mayroon pong sampung bilyong piso ang ipamimigay natin sa mga pinakamahihirap na ating mga kababayan para nga maibsan ang epekto ng TRAIN sa kanila,” ani Roque.

Para naman sa mga driver at operator ng jeepney, muling binuhay ng gobyerno ang fuel subsidy program, na ang pondo para sa mga fuel voucher ay nakasalalay sa mga buwis na makokolekta mula sa TRAIN, ayon kay Roque.

“Sa Pantawid Pasada program ng DOTr, nagkaroon po ng anunsiyo si (Transport) Secretary (Arthur) Tugade na magsisimula na po ang pamimigay noong mga jeepney vouchers sa mga may-ari ng mga PUJ at ito po’y magsisimula itong Hulyo,” sabi pa ni Roque.

“Pinaplantsa na lang po (ang tatanggap ng vouchers), eh, para maiwasan iyong karanasan natin noong nakalipas na administrasyon na pati iyong mga walang prangkisa at saka iyong mga hindi nagmamay-ari ng PUJ ay nabigyan ng subsidy,” dagdag ni Roque.

Una nang tinanggihan ni Pangulong Duterte ang panawagan ng ilang sektor na suspendihin ang TRAIN Law, na sinimulang ipinatupad ngayong taon.

-Genalyn D. Kabiling